Trending muli! Pulis na nagbigay ng $100 sa estudyante, matandang vendor naman ang tinulungan

Imahe mula sa Facebook | Joshua Read at Dustin Rafael Cinco
  • Muling ipinamalas ng isang pulis na dati nang nag-trend ang kaniyang pagiging mapagbigay
  • Binigyan kasi niya ng malaking halaga ang isang vendor na binilhan niya ng dalawang pirasong ice drop
  • Nag-viral na rin siya noon nang bigyan niya ng $100 ang isang working student na nasita niya sa checkpoint

Muling hinangaan ang pulis na nagbigay noon ng $100 sa isang working student na nasita niya sa isang checkpoint. Sa pagkakataong ito ay ipinakita niya naman ang kaniyang kabutihang-loob sa isang vendor sa Maynila.

Nasaksihan ng frontliner na si Dustin Rafael Cinco ang tagpong ito. Kuwento niya, nakasabay niya sa pagbili ng siomai si Police Corporal Jonjon Nacino. Halagang P45 lang daw ang binili nito ngunit nagbayad siya ng P1k. Nang makuha ang order at sukli ay lumapit ito sa isang matandang nagtitinda ng ice drop.

Imahe mula sa Facebook | Dustin Rafael Cinco

“Lumapit si Kuyang pulis at bumili siya ng dalawang pirasong pinipig flavor na ice drop. Sa tingin ko, wala pang P50 ‘yong dalawang piraso na ‘yon,” pagbabahagi ni Dustin.

“Nagulat ako sa binayad ni Kuyang pulis. ‘Yong almost P900 plus na sukli niya ay binayad niya lahat kay Tatay. Kitang-kita ko kasi may P500 plus ang daming P100 bills.”

Kita raw ang pagkagulat ng vendor na palagay niya ay nasa edad 65 na. “Ibabalik niya sana ‘yong sukli kaso si Kuyang pulis dumiretso na sa motor tapos akmang aalis na.”

Dito na kinuhanan ni Dustin ng larawan ang Good Samaritan.

Dahil sa simpleng paraan ng pagbabahaging ito ay maagang nagligpit ng kaniyang paninda si Tatay. “Maagang nakauwi si Tatay at nakapagpahinga. May kinita siya na pang isang buong araw kahit na iilan lang ang nabawas sa paninda niya,” ani Dustin.

Imahe mula sa Facebook | Joshua Read

Sinabi pa ni Cinco na kung may nakakikilala sa pulis na kaniyang nakuhanan ng larawan ay ipaabot dito ang kaniyang mensahe ngunit sa comment section, may isang netizen na nakapansin na ang nasa larawan ay si Nacino.

“Siya nga! Partida pa ‘yan, off cam pa ‘yan kasi hindi naman niya alam na pinipicturan mo siya,” komento ng isa.

Unang nag-trend si Nacino nang ibahagi sa Facebook ng GrabExpress rider na si Joshua Read na sinita siya nito sa isang checkpoint ngunit nang magpaliwanag at ibahagi na isang siyang working student ay binigyan siya nito ng $100 at pinaalalahanan pang magtapos siya ng pag-aaral.

Isang hindi nagpakilalang donor ang natuwa noon kay Nacino at nagbigay sa kaniya ng P100k. 

Snappy salute, Police Corporal Nacino!

 

Loading…