UPLB grad pinangungunahan ang pag-develop ng COVID-19 test sa Switzerland

Imahe mula sa UPLB
  • Isang dating estudyante ng UPLB pinangungunahan ang pag-develop ng test kit sa Switzerland
  • Si Aquino-Fournier ay nagtapos ng BS Biology at MS Genetics sa UPLB
  • Siya ngayon ang group leader ng application na binubuo ang HiDRA-seq

Isang Pinay na graduate ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang pinangungunahan ngayon ang pag-develop ng mass testing kit sa Switzerland.

Ang alumna ng UPLB ay kinilalang si Catharine Aquino-Fournier na graduate ng BS Biology noong 1996 at MS Genetics naman noong 2003.

Imahe mula sa UPLB

Ayon sa website ng UPLB, si Aquino-Fournier ang group leader ng application na HiDRA-seq sa Functional Genomic Center Zurich (FGCZ); isang mahalagang pasilidad sa University of Zurich and the Swiss Federal Institute of Technology.

Ang HiDRA-seq ay kayang tukuyin ang novel coronavirus sa pamamagitan ng Next Generation Sequencing (NGS); isang state-of-the-art DNA sequencing technology.

Ang teknolohiyang ito umano ay katulad rin ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT–PCR) na kayang tukuyin ang bilang ng virus sa isang sample, ayon mismo kay Aquino-Fournier sa isang panayam sa GALING UPLB sa Radyo DZLB.

“The difference is that [while] in rRT-PCR, the output is a fluorescent intensity, in our test, the output is COVID-specific sequences.  Since we have the sequences, we can determine the strain of the virus depending on the mutations that we find,” paliwanag ni Aquino-Fournier.

Imahe mula sa DZLB

Ang pagkakaiba lamang umano ay hindi na sila nag-e-extract ng genetic material at sa halip ay direkta na nila itong kinukuha mula sa laway o kaya ay sa mga swab.

Mayroon din umanong built-in contact tracing functionality ang HiDRA-seq  na kayang alamin kung kailan at saan nahawa ang isang tao. Kaya rin daw nitong magproseso ng hanggang 100,000 sample sa isang bagsakan lamang.

Ganun pa man, nilinaw ni Aquino-Fournier na hindi nila binuo ang HiDRA-seq para palitan ang rRT-PCR. Hindi rin daw ito 100% accurate gaya ng rRT-PCR at mayroong 10% posibilidad na magkamali ang resulta.

Loading…