Vietnam ipinagmalaki ang kauna-unahang gold-plated hotel

Imahe mula sa Dolce Hanoi Golden Lake Luxury Hotel Facebook page
  • Binuksan sa Vietnam ang diumanoy kauna-unahang gold-plated hotel sa mundo 
  • Nais ng hotel owners na maranasan ng mga tao – mula ordinaryo hanggang super rich – ang karangyaan ng hotel
  • Mula sa infinity pool hanggang sa paliligo sa bathtub ay maaaring ma-experience ng mga hotel guests ang ginintuang karangyaan

May “Midas touch” daw ang may-ari ng diumano ay kauna-unahang gold-plated hotel sa buong mundo na kahit ano ang hawakan nito ay nagiging ginto kaya naman kahit sa kalagitnaan ng coronavirus pandemic ay binuksan nito sa publliko ang “ginintuang” Dolce Hanoi Golden Lake Luxury hotel.

Imahe mula sa Dolce Hanoi Golden Lake Luxury Hotel Facebook page

Gold-plated ang maraming bahagi ng hotel, labas at loob, at ang mga kasangkapan. Mula sa infinity pool hanggang sa paliligo sa bathtub ay maaring ma-experience ng mga hotel guests ang ginintuang karangyaan. Ang mga tasa para sa kape ay gold-plated at maging ang mga kubyertos ay ginintuan din.

Ang mga pagkain sa marangyang 25-storey hotel na matatagpuan sa Hanoi ay maaaring haluan ng misteryosong “golden substance” kung gugustuhin ng guests.

Ang nagastos sa pagpapatayo ng hotel ay umabot sa $200 million. Maliit na halaga ito kumpara sa ibang luxury hotel, ayon kay Nguyen Huu Duong, chairman ng Hoa Binh Group na siyang nagmamay-ari sa hotel.

Ito ay dahil ang grupo ay mayroong sariling factory na gumagawa ng mga gold-plated stuff.

“Our group has a factory that can do gold-plated stuff, so the cost for our equipment and furniture here is quite cheap,” sabi ni Duong.

Imahe mula sa Dolce Hanoi Golden Lake Luxury Hotel Facebook page

Sabi pa niya, gusto nilang iparanas ang karangyaan ng Dolce Hanoi Golden Lake Luxury mula sa mga ordinaryong tao hanggang sa mga pinakamayayamang tao kaya naman ang presyo nila ay mas mababa ng 50% kumpara sa ibang luxurious hotels.

$250 a night lang ang rate nila na bagama’t may kamahalan para sa mga ordinaryong Vietnamese ay abot-kaya ito ng mga mayayamang mamamayan.

Masaya naman ang mga hotel guests na nakaranas ng golden treatment sa hotel.

Imahe mula sa Dolce Hanoi Golden Lake Luxury Hotel Facebook page

Ang sabi ng isang Koreano, pakiramdam niya ay isa siyang hari – isang Egyptian king – habang nasa hotel. Ayon naman sa isa pa, tila awtomatikong tumaas ang estado niya sa buhay nang makatungtong sa gold-plated hotel.

Dahil sa pandemic ay hindi pa umaaasa na kikita ang hotel, subalit sa galing umano ng pamahalaan ng Vietnam sa pagresponde sa COVID-19 outbreak, tiyak daw na sa susunod na taon ay kikita na sila.

“For sure next year, we will make money,”  paniniyak ni Duong.

Tara na’t ating silipin ang golden hotel!

Source :

YouTube

Loading…