VP Leni, nagbigay ng mga mungkahi kung paano matutulungan ang mga LSI’s

  • May mungkahi si VP Leni kung paano maisasagawa nang organisado ang pagbabalik ng mga locally stranded individuals sa kanilang mga lalawigan
  • Ilan dito ang pagkakaroon ng iskedyul at pagsasagawa ng swab testing, sa halip na rapid testing
  • Matatandaang naging kontrobersyal ang pagsasagawa nito sa batch 2 na ginanap sa Rizal Memorial Sport Complex sa Manila dahil dumagsa ang mga tao at hindi na nasunod ang physical distancing

Nagpahayag ng mga mungkahi si Vice President Leni Robredo kung paano magiging maayos ang pagpapauwi sa batch 2 ng mga locally stranded individuals o LSI’s  noong Hulyo 25 at 26 na ginanap sa Rizal Memorial Sport Complex sa Manila, at maaari pang gawin sa mga susunod pang weekend.

Naibalita kasi na halos dagsa ang mga tao at halos hindi na nasunod ang physical distancing na isa sa mga ipinatutupad na health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Dahil libo-libo ang dumagsa para sa “Hatid-Tulong Program,” tila naging maliit na espasyo na lamang ang sport complex. Kaya naman, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post ay nagbigay ng kaniyang anim na mungkahi si VP Leni, kalakip ang mga kuhang larawan sa naturang lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

“Are these pictures real? If they are, shame on us. There has to be a better, more organized way of doing this without compromising the health and safety of our people. Suggestions lang po, kung mamarapatin,” panimula ni VP Leni.

“Una, dapat naka-schedule sana by province or region yung buses. Huwag pagsabay-sabayin. Pangalawa, if there was pre-registration, alam na dapat kung anong araw lang sila dapat pumunta for their tests and trips. Again, by batches sana. Huwag sabay-sabay. Pangatlo, kung may pupuntang hindi registered, designate another place for this and ensure social distancing. Huwag sana sa parehong lugar,” unang tatlong mungkahi ng Pangalawang Pangulo.

Sa pagpapatuloy, “Pang-apat, ang sabi, dati silang housed in different facilities. Bakit hindi na doon gawin yung testing? Para sana mas organized. Kapag dinala sila sa designated na lugar, para sana mag-board na lang ng bus. Wala nang waiting time. Again, para ma-control na yung lugar at walang maghawaan.”

Tahasan ding sinabi ni VP Leni na hindi accurate ang rapid testing, lalo pa’t may tendensiya kasi na kapag nakauwi o nakarating na sila sa kani-kanilang mga lalawigan, saka lamang lilitaw na positibo pala sila. Mas mainam kung swab testing na ang gagawin.

Public Domain Image

“Panlima, Ang sabi, ira-rapid test sila. We should have learned our lessons by now. Hindi siya reliable. Maraming dumating sa Bicol by PNR, allegedly, after undergoing rapid testing. Pagdating doon, they tested positive. Dapat sana swab testing na gawin para mas mataas ang accuracy. Sumulat na kami kay Secretary Galvez tungkol dito. last week pa,” ani VP Leni.

Kaugnay pa nito, “In fact, we reiterated this request in our letter to PMS. Pinadala namin sa kanila list of LSI’s who contacted us para ma-register din sa libreng sakay.”

At panghuling mungkahi, “Sana kabahagi ng protocols yung readiness ng LGU to take them in. Hindi puwede FYI lang. Dapat tanungin capacity nila to take in so much number of LSI’s. Hindi natin puwede ipasa responsibility sa kanila kasi hindi pare-pareho yung capacities ng bawat LGU. I am all for helping locally stranded passengers get home to their destinations. But let us do it right please.

Public Domain Image

Dalawang government-led programs ang inihain ng pamahalaan para sa mga stranded individuals sa NCR upang makabalik sila sa kani-kanilang mga lalawigan: ang “Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa” at “Hatid-Tulong.”

Source :

Facebook, MSN

Loading…