‘Walang mali’: DILG walang nakitang problema sa biyahe ni Roque sa Subic

Imahe via Twitter
  • Walang mali ang DILG sa ginawang sidetrip ni Roque sa Subic
  • Umani ng batikos si Roque matapos kumalat sa social media ang kaniyang larawan
  • Ayon sa DILG, bahagi naman ito ng trabaho ni Roque

Walang nakikitang mali ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa ginawang pagbiyahe ni Presidential Spokesperson Harry Roque patungong Subic kamakailan.

Magugunitang nabatikos ang tagapagsalita ng Palasyo matapos kumalat sa social media ang kaniyang larawan na naliligo sa isang resort kasama ang mga dolphins noong nakaraang araw.

Imahe via Twitter

Para kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, wala namang problema sa ginawang pagbisita ni Roque sa  Ocean Adventure lalo pa’t nasa ilalim na ng MGCQ ang lugar, na ang ibig sabihin ay puwede nang magbukas ang mga resort doon at tumanggap ng bisita hanggang 50%.

“Wala po kaming nakikitang problema doon sa ginawa ni Spokesperson Harry Roque,” paliwanag ni Malaya. “Doon po sa Ocean adventure…ngayon po ay under MGCQ na… ibig pong sabihin puwede nang mag-operate ang mga tourist facilities up to 50%”.

Dagdag pa ni Malaya, isa umanong APOR o authorized person outside of residence si Roque at ang pagbisita niya sa Subic ay hindi lamang para sa isang business interest kundi bahagi ng kaniyang trabaho bilang opisyal ng gobyerno.

“So since APOR po siya puwede siyang pumunta sa probinsiya at gawin ang essential work na kaniyang ginawa, in this case work related,” giit pa ni Malaya. “Wala pong nakikita ang DILG na kamalian ni Spokesperson Harry Roque.”

USec. Jonathan Malaya| Imahe screenshot via PCOO Facebook

Nauna nang humingi ng paumanhin si Roque sa publiko subalit iginiit nito na wala siyang nilabag na batas.

Pumunta lamang daw siya sa Subic para sa isang dating negosyo na hindi niya magawa noong sarado pa ang Bataan. Hindi rin umano siya bisita sa lugar dahil tagaroon talaga siya.

“Wala pong nalabag pero kung meron pong mga na-offend, paumanhin po,” ani Roque.

Loading…