Walang nangyaring kotongan: Yorme ipinaliwanag ang isyu tungkol sa viral “magic traffic light” video

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno
  • Ipinagtanggol ni Mayor Isko Moreno ang MTPB traffic enforcers sa viral video tungkol sa “magic traffic light”
  • Pinaratangang “buwaya” at “kotong” ang mga traffic enforcers dahil sa video na hindi naman nakunan ang buong pangyayari
  • Nagpaalala ang alkalde na hindi dapat tinatawanan ang mga pagkukulang ng gobyerno; bagkus ay ipaalam nang maayos sa mga kinauukulan upang mabigyan ng nararapat na aksyon

Ipinagtanggol ni Mayor Isko Moreno ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na inakusahan sa social media ng maraming netizens na mga nangongotong dahil sa isang video na nag-viral tungkol sa sirang traffic light na binansagang “magic traffic light.”

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Sa video na ipinost ni Christopher Lopez sa Facebook noong June 27, 2020 na kuha umano sa dashcam ng sinasakyang kotse na minamaneho ng kanyang kasintahan, makikita ang counter ng traffic light na mula sa 12 seconds ay tumalon ito sa 3 seconds habang tumatawid ang kotse sa panulukan ng Antipolo Street at Abad Santos Avenue sa Maynila.

Makikita ring hinarang ng tatlong MTPB enforcers ang kotseng sinasakyan ni Lopez at pinatabi.

“Bakit kaya ganun? May magic from 12 to 3 secs real quick,” post ni Lopez na tinag pa si Mayor Isko Moreno upang makaabot iyon sa kaalaman ng alkalde.

Mabilis na nag-viral ang nasabing post. Umani ng sari-saring panglalait at paratang ang tatlong traffic enforcers mula sa mga netizens na nagkomento sa post. Tinawag silang “buwaya,” “kotong” at iba pa.

May ilan pang nagsabi na kinokontrol ng traffic enforcers ang traffic light para lang makapang-delihensya.

Nang makarating sa kaalaman ni Mayor Isko Moreno ang viral video ay nagsagawa siya ng pagsisiyasat upang alamin kung nagkasala ang MTPB enforcers. Aniya, hindi siya mangingiming tanggalin sa serbisyo kung nagkamali ang mga ito. Mahigit isandaang tiwaling enforcers na raw ang inalis niya sa trabaho.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Ayon kay mayor, walang kotongan na nangyari.

Ipinaliwanag niya kung bakit may mga traffic enforcers sa gitna ng kalsada kahit may traffic light. Nilinaw muna ni Yorme na ang traffic light ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at hindi ng Manila City government.

Aniya, nai-report sa kanila ang sirang traffic light kaya nag-deploy doon ng traffic enforcers upang maiwasan ang posibleng aksidenteng mangyari dahil sa sirang traffic light. Ipinaalam na rin umano iyon sa MMDA.

Dahil hindi nakunan nang buo ang pag-uusap ng traffic enforcer at ng girlfriend ni Lopez ay nagkaroon ng maling haka-haka ang mga social media users tungkol sa mga MTPB personnel.

Pinuri rin naman ng alkalde ang paliwanag ng nobya ni Lopez tungkol sa insidente. Ang tila hindi nagustuhan ni mayor ay ang pagtatawanan nilang dalawa habang kinukunan ng video ang depektibong traffic light.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Paliwanag ni Mayor Isko, malinaw na may pagkukulang ang gobyerno dahil hindi nito namimintina ang mga pasilidad nito, ngunit hindi raw dapat itong pinagtatawanan; bagkus, dapat ay maayos na iparating sa mga kinauukulan upang mabigyan ng agarang aksyon.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…