10,000 Caviteños nag-volunteer sa COVID-19 vaccine clinical trial mula sa 2 pharmaceutical giants

Imahe mula sa Jakarta Post
  • Nagboluntaryo ang 10,000 Caviteños na lumahok sa 3rd phase ng clinical trials ng COVID-19 vaccine mula sa dalawang malalaking pharmaceutical companies
  • Hindi pinangalanan ni Gov. Jonvic Remulla ang dalawang pharmaceutical companies na diumano ay mula sa US at UK
  • Inaasahang sa susunod na linggo magkakapirmahan ng kasunduan sa 3rd phase COVID-19 vaccine clinical trials sa pagitan ng Cavite at dalawang kumpanya

Inanunsyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla na sampung libong Caviteños ang boluntaryong lumahok sa 3rd phase ng clinical trials ng COVID-19 vaccine mula sa dalawang malalaking pharmaceutical companies.

Imahe mula sa Facebook account ni Giov. Jonvic Remulla

Tumanggi si Gov. Remulla na pangalanan ang dalawang kumpanya na diumano ay mula sa US at UK  habang hindi pa nagkakaroon ng pirmahan sa kasunduan hinggil sa clinical trial na isasagawa. Inaasahang sa susunod na linggo pa magkakapirmahan.

“Ang Cavite ay malapit na sumailalim sa Phase 3 field trial ng dalawang kilalang pharmaceutical giant. Kasama sa pag-aaral ay ang mahigit sa 10,000 volunteer recipients ng experimental vaccine,” post ng gobernador sa Facebook noong Huwebes, August 13.

Aniya, ang mga Caviteño volunteer recipients ay kabilang sa 100,000 sample size na bahagi ng 3rd phase ng clinical trials. Ang vaccine candidate na ginagamit sa clinical trial na ito ay isasailalim umano sa masusing pagsusuri ng scientific community upang alamin ang “validity at efficacy” ng vaccine.

Sa sandaling mapatunayan na epektibo ang vaccine kontra sa COVID-19 ay saka pa lang iyon gagawing available sa publiko.

Imahe mula sa Facebook account ni Giov. Jonvic Remulla

Ipinaliwanag ni Gov. Remulla na ang 10,000 Caviteño volunteers ay hahatiin sa dalawang grupo. Ang unang grupo ng 5,000 volunteers ay tutrukan ng COVID-19 vaccine candidate habang ang ikalawang grupo ng 5,000 volunteers ay placebo ang ituturok.

“Ang ibig sabihin po ng placebo, ang matatanggap ng kalahati ay walang therapeutic effect. Ito ay standard protocol sa lahat ng clinical trials na ginagawa sa buong mundo,” paliwanag ni Gov. Remulla.

Kaugnay pa rin ng COVID-19 vaccine clinical trials na ginagawa o gagawin sa bansa, nanawagan ang gobernador sa Department of Health na bantayang mabuti ang proseso ng pag-review at pag-apruba sa COVID-19 vaccine.

Imahe mula sa Facebook account ni Giov. Jonvic Remulla
Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…