83-anyos na lolang pedicab driver nasurpresa sa tulong na natanggap mula sa isang government official

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Matandang namamasada ng pedicab nasurpresa sa tulong na natanggap
  • Inakala niya na i-interview-hin lang siya ng isang government official
  • Kahit ilang buwang hindi mamasada ay sapat ang ibinigay na tulong ni DILG Usec. Marjorie Jalosjos kay Lola Fedeng

Nasurpresa si Lola Fedeng sa tulong na ibinigay sa kanya ng nagmagandang-loob na opisyal ng gobyerno. Inakala raw niya na i-interview-hin lang siya.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Si Lola Fedeng o Federacion Villalon ay 83 anyos na at naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pamamasada ng padyak o pedicab sa Valenzuela. Napahanga ang marami sa sipag at tiyaga niya nang ibahagi ni Fr. Carlo Soro sa social media ang video ng matanda nang sumakay siya dito at nagpahatid sa simbahan noong nakaraang buwan.

Hataw lang! 83-anyos na lola na namamasada pa rin ng pedicab lubos mong hahangaan

“Namangha po talaga ako sapagkat sa mga katulad po niyang may edad ay talagang patuloy pa rin pong lumalaban sa buhay,” kuwento ng pari.

Naitampok pa sa news program na TV Patrol si Lola Fedeng dahil sa kanyang kasipagan. Sa kabila ng mga paghanga, marami rin ang nagpahayag ng kanilang pangamba para sa masipag na matanda lalo na’t may pandemya ngayon at hindi na dapat lumalabas ng bahay ang mga tulad niya upang makaiwas sa COVID-19.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Katwiran ni Lola Fedeng, ayaw niyang umasa sa mga anak na may mga sariling pamilya na at ang kanya namang asawa ay may sakit at mahina na. Hindi rin daw niya magagawang mamalimos. Aniya,  ang Panginoon ang kanyang kinakapitan.

Noong August 1, inakala ni Lola Fedeng na may mag-i-interview ulit sa kanya tulad ng ginawa ng TV Patrol, subalit laking surpresa niya sa tulong na ipinagkaloob ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marjorie Jalosjos.

Kahon-kahong mga de-lata, instant noodles at iba pang pagkain ang personal na tulong na inabot ng DILG official sa masipag na matanda.

Ayon kay Usec. Jalosjos, kahit ilang buwang hindi lumabas si Lola Fedeng ay sapat ang mga ibinigay niyang pagkain at mga bitamina para sa kanilang mag-asawa.

Screenshot mula sa ABS-CBN

“Sa panahon natin ngayon na pandemic, bawal lumabas yung mga 60 years old and above. So naantig ‘yung puso ko na kahit na hindi niya iniinda ‘yung pandemic, ‘wag na muna siya sana lumabas. Kahit ilang buwan pang hindi siya makakalabas, OK lang dahil sapat naman yung pagkain na ibinigay namin pati yung vitamins na rin para naman sa kaligtasan niya at maging malakas ‘yung kanyang katawan,” pahayag ni Usec. Jalosjos.

Tuwang-tuwa naman si Lola Fedeng.

“Hindi ko po inaasahan ito. Akala ko po interview lang. Mabait ang Diyos, napakabait. Hindi niya ako pinababayaan,” anang matanda.

Pahinga na muna siya ngayon sa pamamasada ng pedicab.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
Source :

ABS-CBN, DF News

Loading…