92 anyos na lola sa Negros, naka-recover sa COVID-19

  • Gumaling sa COVID-19 ang isang 92 anyos na lola sa Negros Occidental
  • Bukod sa coronavirus, mayroon ding COPD ang senior citizen
  • Itinuturing siyang inspirasyon ngayon ng lokal na pamahalaan sa Himamaylan City

Isang senior citizen mula sa Himamaylan City, Negros Occidental ang gumaling sa coronavirus sa kabila ng edad nito na mahigit 90 anyos na.

Sa ulat ng ABS-CBN News, nagpositibo umano sa COVID-19 si Lola Antonita Gargoles, 92 anyos, noong Hulyo 23 at sumailalim sa self-quarantine sa loob ng 14 na araw. Sa bahay lang nila nagpagaling ang matandang babae dahil ayaw itong dalhin ng mga kamag-anak sa ospital sapagkat nais nilang sila ang mag-alaga mismo.

Screenshot mula sa Facebook post ni Dr. Yap

Ayon kay Dr. Kaye Marie Yap, rural health physician ng Himamaylan, binisita nila si Lola Antonita noong Agosto 6 at nakararamdam pa ito ng lagnat at hirap sa paghinga. Subalit makaraan ang dalawang araw na pag-inom ng gamot, gumanda na ang kaniyang pakiramdam.

Mismong ang rural health center at ang lokal na pamahalaan ang nagdadala ng gamot sa bahay ni lola at pinagtiyagaan siyang painumin ng gamot ng kaniyang mga anak at apo. Hindi naman sila nabigo sapagkat masipag naman daw uminom ng gamot si Lola Antonita.

Makaraan pa ang ilang araw, nawala na ang lagnat at ubo ni lola at tuluyan na itong gumaling sa kaniyang karamdaman. Nagnegatibo na rin siya sa pinakahuling swab test na ginawa.

Imahe mula sa Facebook post ni Dr. Yap

Ayon kay Dr. Yap, maituturing na isang inspirasyon ang kuwento ng paggaling ni Lola Antonita dahil bukod kasi sa COVID-19, mayroon din itong karamdaman na Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD).

Para naman kay Himamaylan City Mayor Raymund Tongson, saludo umano siya kay Lola Antonita at nawa’y magbigay ng lakas at pag-asa ang kaniyang paggaling sa mga dinapuan ng virus lalo na sa mga frontliners na patuloy na nakikibaka sa sakit na ito.

Loading…