Akala souvenir? Mga kutson ng quarantine facility sa Guagua na inuwi ng PUMs, ibinalik na

Screenshots mula sa Facebook video/GMA News video
  • Iniuwi ng ilang PUMs ang mga kutson sa isang quarantine facility sa Guagua, Pampanga
  • Nanawagan sa social media ang alkalde doon na ibalik sa pasilidad ang mga inuwing kutson na posible raw napagkamalang souvenir
  • Ibinalik naman ang mga nawawalang kutson makaraan ang ilang araw

Naibalik na ang sampung kutson na iniuwi umano ng mga person under monitoring (PUM) sa quarantine facility ng Guagua, Pampanga matapos manawagan ang alkalde ng bayan.

Huwebes noong nakaraang linggo, Agosto 13, nang lumabas sa social media si Guagua Mayor Dante Torres upang manawagan sa mga PUMs na ibalik ang iniuwing kutson o mattress ng mga ito.

Screenshot mula sa Facebook video – One Media Pampanga TV44

“‘Yong mga ginagamit n’yo pong kutson, hindi po ‘yon kasali sa mga dinadala,” ani Torres sa wikang Kapampangan.

Kuwento ni Mayor Torres sa panayam ng GMA News, naglilinis ang mga staff ng pasilidad nang madiskubre ng mga ito na nawawala ang sampung kutson.

“Noong pinalilinis ko na ‘yon para sa next batch naman, kasi marami kaming batch na ina-isolate namin, nawawala ‘yong sampu,” wika ng alkalde.

Hindi umano niya akalain na pati kutson ng quarantine facility ay pagdidiskitahan pa ng kaniyang mga kababayan. Akala daw siguro ay ‘souvenir’ ang mga ito.

Screenshot mula sa video ng GMA News

“Siguro akala nila souvenir item. Hindi ho souvenir item ang mga ‘yon. Kailangan ng gobyerno, ng munisipyo ‘yon,” natatawang bahagi ng alkalde.

Ilang araw makaraan ang kaniyang panawagan, ibinalik na sa pasilidad ang 10 kutson subalit hindi na nagpakita ang mga nagdala nito. Basta na lang daw iniwan ang mga mattress sa guwardiya, ayon kay Mayor.

Nangangamba tuloy si Mayor Torres na maging sanhi pa ng pagkalat ng coronavirus sa kanilang bayan ang mga kutson kaya agad niyang ipinag-utos ang pagsa-sanitize sa mga ito.

Tunghayan ang ulat ng GMA News:

Loading…