Anak na nakangiti habang gumagawa ng mga gawaing-bahay nagdulot ng good vibes

  • Nagdulot ng good vibes ang mga larawan ng isang batang babae
  • Itinampok siya ng kaniyang nanay na nakangiti habang ginagawa ang mga gawaing-bahay
  • Umani ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Isang magandang training o pagsasanay sa mga anak na maging responsable at masipag ay pagtatalaga sa kanila mga gawaing-bahay kagaya ng simpleng pagwawalis o paghuhugas ng mga pinagkainan. Kung maaga pa lamang ay nabigyan na sila ng pagkakataong mapagkatiwalaan sa mga gawaing ito, tiyak na dadalhin nila ito sa kanilang paglaki, at maaaring maipasa pa sa mga magiging anak, kapag nagkaroon na sila ng sariling pamilya.

Kaya naman, nagdulot ng good vibes sa mga netizens ang mga larawang ibinahagi ng isang ina sa kaniyang Facebook page kung saan makikitang nakangiti pa ang isa sa mga anak habang ginagampanan ang mga nakatokang gawaing-bahay sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook page na Chloe and Nicole V.

Lagi raw kasing nakasimangot ang anak kapag inuutusan, kaya ipinakita nito ang mga larawang nakangiting wagas habang naghuhugas ng mga pinagkainan, nagpupunas ng mesa, at nagma-mop ng sahig.

Umani naman ito ng magaganda at positibong reaksyon mula sa mga netizens.

“Ganiyan dapat ang mga bata! Dapat huwag simangutan ang mga magulang kapag inuutusan. Training iyan sa inyo para kapag lumaki na kayo, sanay kayo sa mga gawaing-bahay at hindi pabigat sa buhay,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ginaya ko iyan hehehe tapos dinagdagan pa lalo ni Mama yung mga pinagawa niya kasi masaya raw ako.”

“Hahaha. Naalala ko noon, kapag may bitbit na sinturon si Mama, talagang nagkukumahog kaming magkakapatid na maghati-hati sa mga gawaing-bahay. Ako sa pagwawalis, si Kuya sa paghuhugas ng mga pinggan, si Ate naman sa paglalaba. I miss those days na simple lamang ang lahat!” pagse-senti naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Sana all! Mga bata ngayon utusan mo lang bumili sa tindahan magdadabog pa, ayaw maabala sa paglalaro sa mga online games at pagso-social media.”

Imahe mula sa Facebook page na Chloe and Nicole V.

Para sa mga Momshies at Popshies, makabubuting gumawa ng schedule sa bahay upang malaman ng mga anak ang kanilang toka sa iba’t ibang gawaing-bahay upang maranasan naman nila ang lahat, at hindi maramdaman ng anak na “Lagi-na-lang-ako.”

Ikaw, anong kuwentong gawaing-bahay mo?

Source :

Facebook

Loading…