Anak ng isang guro ibinahagi kung paano naghahanda ang ina para sa online classes

Imahe mula sa Unsplash
  • Nagbahagi ng kaniyang saloobin ang isang anak ng guro tungkol sa pagpapatuloy ng online classes ngayong taon
  • Saksi siya kung paano nagsisikap na matuto ang ina kung paano gumamit ng makabagong teknolohiya
  • Ngunit para sa kaniya, mas mainam kung magkaroon ng academic freeze dahil hindi lahat ng mga estudyante at guro ay may kakahayan na makisabay sa online learning

Ibinahagi ng isang netizen ang pagsisikap ng inang guro upang makasabay sa paggamit ng makabagong teknolohiyang kailangan para sa online classes ngayong taon.

Imahe mula sa Unsplash

Kuwento ni Carlo Hornilla, nakita niya ang ina na nagsusulat sa notebook habang nanonood sa YouTube kung paano gumawa ng Powerpoint presentation.

“‘Di ko maipaliwanag ‘yong emosyon ko nung tiningnan ko ‘yong notebook. Natutuwa ako na nagtatangka siyang mag-aral on her own, pero naawa ako kasi bakit nagsusulat-kamay pa rin siya kahit nasa harap na siya ng laptop?” aniya.

Kaya naman upang mas maging madali para sa ina ang matuto ay tinuruan niya ito kung paano buksan nang sabay ang YouTube at Powerpoint.

“Tuwang-tuwa siya. Nagtataka siya kung bakit ‘yong iba niyang ka-guro ay nakagagawa habang nasa Zoom meeting. All this time pala, kapag naka-full screen ‘yong call nila, ‘yon lang nakabukas sa laptop niya. Hindi siya nakakapag-Word, Excel, o kung ano man ang kailangan niyang gawin,” kuwento niya pa.

Imahe mula sa Unsplash

Paalala niya, marami sa mga guro ngayon ang may edad na. “Naaalala mo ba ‘yong favorite mong teacher? Ilang taon na siya nung estudyante ka niya? Late 30s, early 40s? Ilang taon na ang nakalipas. Ilang taon na siya ngayon?”

Ibinahagi niya rin ang kaniyang sentimyento ukol sa panawagang academic freeze dahil malaking hamon para sa marami kung makasasabay sila sa online learning sa gitna ng pandemya.

“Paulit-ulit nilang sinasabi na pagtutulungan ng komunidad ang pagpapatuloy ng edukasyon, na para bang nabubuhay sila sa isang ideal world kung saan sa isang subdivision lang nakatira lahat ng mga estudyante, kung saan may mga barangay tanod na magba-bike lang kada street para magbigay ng modules,” dagdag niya.

Source :

Facebook

Loading…