Anak ng nurse na iginupo ng COVID-19, dismayado sa natanggap na hazard pay ng ina

Imahe mula sa One News/ Joie Cruz
  • Naglabas ng hinanakit ang anak ng isang nurse na iginupo ng COVID-19
  • Dismayado siya hindi sa kakapirangot na hazard pay kung hindi sa kasinungalingan umano ng gobyerno
  • Umabot lang sa P150 kada araw ang natanggap nilang hazard pay, malayo sa P500 na pangako ng gobyerno

Nais linawin ni Joie Cruz na ang kaniyang hinaing ay hindi dahil sa halaga ng hazard pay na natanggap ng kaniyang yumaong ina, kung hindi sa dimanoy’ kasinungalingan ng gobyerno at pagsasawalang bahala nito sa buhay ng mga frontliners.

Si Joie ay anak ng isang frontliner-nurse na sa kasamaang-palad ay iginupo ng coronavirus.

Ayon sa kaniyang Facebook post, ilang buwan bago yumao ang kaniyang nanay, excited na ito na matanggap ang kaniyang hazard pay na sa tantiya nila ay aabot ng P30,000 base sa anunsiyo ng DOH na P500 kada araw.

Screenshot ng Facebook post ni Joie Cruz

Subalit nawala na ang kaniyang ina ay hindi pa nito natatanggap ang pera na ilalaan sana sa pagbili ng Groiler Home Learning Materials.

Nito lang ay pumunta siya sa pinagtatrabahuan ng kaniyang ina at dito niya nakuha ang hazard pay. Subalit laking gulat niya umano na ang inaaasahan nilang P30K ay halos P7K mahigit lang.

Napag-alaman niya na ginawa na lang palang P150 ang P500 na dating inanunisyo ng DOH. Binawasan pa umano ito ng ospital ng mga hindi maipaliwanag na deductions kaya umabot na lang sa P64.18 kada araw ang hazard pay ng kaniyang nanay sa loob ng 41 na pinagtrabahuan nito.

Screenshot ng Facebook post ni Joie Cruz

“This issue is not about monetary value. This issue is about how governments lie and how we take for granted and exploit our frontliners in the face of this pandemic,” paghihimutok ni Joie.

“This issue is about how my mom was treated way way below than what she deserves in a local public hospital where she worked in for more than 10 years – the first 4 years of those were without any salary,” ayon pa sa kaniya.

Kuwento pa ni Joie, tinanggihang i-swab test ang kaniyang nanay matapos itong ma-expose sa pasyenteng may virus. Pinagsalitaan din umano nang hindi maganda ang kaniyang ina matapos magkomento si Joie sa post ng isang pulitiko dahil hindi sila nabigyan ng PPE.

Screenshot ng Facebook post ni Joie Cruz

Ganun pa man, pinatatawad na niya na ang mga taong ito na hindi naman binanggit ni Joie. Sa kasalukuyan ay nagluluksa pa rin sila sa pagkawala ng kanilang mahal na ina.

“We forgive you, but we will NEVER FORGET. We will hold you accountable. We will make sure that all appropriate actions will be taken to hold you accountable. You know who you are. Our mom’s passing will not be in vain,” pagtatapos ng kaniyang post.

Loading…