Atty. Gadon magsusuot na ng face mask pero pakitang-tao lang

Imahe mula sa Facebook
  • Atty. Gadon hindi naniniwalang importante ang pagsusuot ng face mask
  • Binalaan ng PNP si Atty. Gadon sa ginagawang paglabag sa minimum health protocols
  • Kasunod ng babala ng PNP, sinabi ni Atty. Gadon na kahit hindi naniniwala ay magsusuot na siya ng face mask pero pakitang-tao lang

Hindi naniniwala si Atty. Lorenzo “Larry “ Gadon na importante ang pagsusuot ng face mask kapag nasa pampublikong lugar. Aniya, may mga pag-aaral raw na nagsasabing kailangan lang ito kapag nasa isang enclosed space.

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Larry Gadon

“Pero kapag ikaw ay nasa labas, hindi mo kailangan ng mask. O kaya, mag-face shield ka na lang. Ang mask, hindi naman talaga ganoon ka-importante iyan,” sabi niya ilang araw na ang nakararaan.

Sinabi rin niya na nagagamot naman ang COVID-19 kaya hindi dapat matakot ang publiko.

BASAHIN:  “Sa totoo lang ang COVID curable; sobrang pananakot sa atin ang ginawa ng DOH” – Atty. Larry Gadon

“Hindi ako naniniwala sa DOH. Sa totoo lang, ang COVID curable. Sobrang pananakot sa atin ang ginawa ng DOH, tumigil ang ekonomiya natin sa sobrang pananakot nila,” ani Atty. Gadon na inalis pa ang suot na face mask nang kapanayamin ng mga mamamahayag.

Dahil doon ay binalaan siya ng Philippine National Police (PNP) na dadamputin kapag muling nilabag ang health protocols na inilabas ng Department of Health (DOH) gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublilkong lugar.

Screenshot mula sa MG TV

“Hindi uubra ito, DOH ang naglabas nito at sinabayan ng maraming ordinansa so, sa ngayon, kapag inulit pa niya ulit ‘yan puwedeng puntahan ng pulis at pagsabihan at ‘pag pumalag, puwedeng arestuhin,” babala ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, PNP deputy for operations, kay Atty. Gadon.

Kasunod ng babala ng PNP, sinabi ni Atty. Gadon na magsusuot na siya ng face mask, pero pakitang-tao lang dahil hindi nga siya naniniwala na importante iyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Larry Gadon

“Hindi ako naniniwala diyan pero magsusuot ako, pakitang-tao,” ani Gadon sa ipinadalang mensahe sa pamamagitan ng Viber.

Kaugnay nito, nakiusap si Eleazar sa mga reporter na huwag interview-hin ang mga personalidad na hindi sumusunod sa minimum health protocols.

Source :

Philstar, PNA

Loading…