Babaeng wala sa sarili na umakyat sa poste at nahulog matapos makuryente noong 2018, ano na ang nangyari?

Screenshot mula sa KMJS video
  • Babaeng umakyat sa poste at nahulog matapos makuryente noong 2018, inalam ng KMJS kung ano na nangyari?
  • Nalaman ng KMJS na himalang nakaligtas ang babae
  • Kusang nagpa-interview ang babae upang magsilbing inspirasyon sa mga katulad niyang may pinagdaraanan

Nag-viral noong taong 2018 ang video ng isang babaeng walang saplot sa katawan na umakyat sa poste sa Biñan, Laguna at bumagsak sa kalsada mula sa taas na tatlumpung talampakan nang makuryente. Wala nang sumunod pang balita kung ano ang sinapit ng babae matapos ang insidente.

Screenshot mula sa KMJS video

Binalikan ng team ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang lugar na pinangyarihan upang alamin kung ano ang nangyari sa babae. Nalaman nilang milagrong nakaligtas ang babae sa nangyari bagama’t nagtamo ng sunog sa ilang bahagi ng katawan.

Ayon kay Jessica Soho, kusang nagpa-interview ang babae dahil nais nitong maging inspirasyon sa mga katulad niyang may pinagdaraanan upang maipakitang posibleng kontrolin ang isipan basta may tamang konsultasyon sa doktor at regular na uminom ng iniresetang gamot.

Ayon sa babaeng itinago sa pangalang “Lucy,” problemado siya noong panahong iyon dahil may sakit ang ikalawang asawa at wala na siyang maipakain sa mga anak nila. Wala na rin siyang pambili ng maintenance drug para sa kanyang kondisyon. May bipolar disorder daw siya.

“Dire-diretso na ako sa bubong. Hindi ko na alam ‘yung pagkasunog, ‘yung pagbagsak,” kuwento ni Lucy sa nangyari noong 2018.

Screenshot mula sa KMJS video

Nagsimula raw ang kondisyon niya nang magkalamat ang relasyon nila ng unang asawa. Madalas daw siyang saktan ng lalaki at kalaunan ay tuluyan na silang nagkahiwalay. Muling nakatagpo ng mamahalin si Lucy, subalit nagkasakit ito at noong nakaraang taon ay sumakabilang-buhay na.

Mag-isa na lang niyang itinataguyod ang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng gulay sa palengke, ngunit halos kalahati ng kinikita ay sa gamot niya napupunta.

Dumaranas din ng diskriminasyon ang kanyang pamilya dahil sa kanyang kalagayan.

Screenshot mula sa KMJS video

“Sa sarili ko po  hindi ako napapahiya. Ang mga anak ko lang ang iniisip ko,” aniya.

Ang mas masakit para kay Lucy ay maging ang mga kamag-anak nila ay tila hindi na siya tanggap. Ganito ang pakiramdam niya sa isang anak na nasa pangangalaga ng pamilya ng una niyang asawa sa Tarlac. Pitong taon na niyang hindi nakikita ang anak.

Screenshot mula sa KMJS video

“Feeling ko po ikinahihiya ako. ‘Pag nagte-text kami hindi nagre-reply,” aniya.

Ang panawagan niya sa anak na malayo ang loob sa kanya, sana ay kilalanin siya bilang ina.

Ginawan ng paraan ng KMJS upang makapag-usap sa pamamagitan ng video call ang mag-ina. Napuno ng emosyon ang kanilang pag-uusap ngunit sa bandang huli ay nanaig ang pagmamahal ng anak sa kanyang ina.

Panoorin ng kuwento ng buhay ni Lucy:

Source :

YouTube

Loading…