Bata himalang nakaligtas matapos tangayin ng saranggola sa isang Taiwan kite festival

Screenshot mula sa video
  • Tinangay ng malaking saranggola ang isang batang babae sa Taiwan
  • Nangyari umano ito sa ginawang kite festival nitong Linggo
  • Ligtas naman ang bata bagama’t sobrang takot ang nadama nito

Isang tatlong-taong gulang na batang babae ang himalang nakaligtas matapos itong tangayin sa ere ng isang malaking saranggola sa ginanap na Taiwan.

Nakunan pa ng video ng ilang manonood ang nakanenerbiyos na pangyayari kung saan makikitang palutang-lutang sa ere ang bata habang hinahampas ng hangin ang kulay-orange na saranggola.

Screenshot mula sa YT video

Nangyari umano ang insidente sa isang kite festival sa bayan ng Nanlioao nitong Linggo.

Napaulat na nabuhol ang bata sa tali ng higanteng saranggola kaya ito tinangay sa himpapawid. Ilang segundo ring nanatili sa ere ang batang babae habang pinanonood ng mga naghihiyawang audience bago ito tuluyang nailapag sa lupa.

Kaagad na sumugod ang mga manonood para tulungan itong makalas sa pagkakabuhol.

Screenshot mula sa YT video

Ligtas naman umano ang bata sa kabila ng pangyayari bagama’t labis na takot ang nadama nito.

Makikita sa video na ilang minuto bago paliparin ang saranggola, ilang lalaki ang inihahanda ito sa lupa. Hindi pa mawari kung paano nabuhol sa buntot ang batang babae.

Samantala, hindi naman nabanggit sa ulat kung mayroong mananagot sa insidente dahil sa kapabayaan.

Panoorin ang video ng pangyayari:

Loading…