Bikolanong guro pasok bilang finalist sa Global Teacher Prize 2020

Imahe mula sa Facebook ni Teacher Windel
  • Isang titser mula sa Camarines Sur ang pumasok bilang finalist sa Global teacher Prize 2020
  • Si Windel Alvarez ay isang mobile educator para sa ALS sa kanilang lugar
  • Ang prestihiyosong award ay may kalakip na $1-M na premyo para sa mananalo

Nakapasok bilang isa sa mga finalists sa Global Teacher Prize 2020 ang isang lalaking guro mula sa Caramoan, Camarines Sur.

Hinirang bilang isa sa 50 finalists si Windel Alvarez; isang mobile educator para sa Alternative Learning System (ALS) ng Sitio Lipata Community Learning Center sa Barangay Gogon ng nabanggit na bayan.

Kinilala ng award-giving body ang passion ni Alvarez sa pagtuturo sa mga out-of-school youth (OSY) at maging mga adult learners mula sa mga mahihirap na komunidad sa kanilang lugar.

Imahe mula sa Facebook ni Teacher Windel

Ang Global Teacher Prize ay isang prestihiyosong patimpalak na may layong kilalanin ang mga sakripisyo at gawain ng mga guro sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Maliban sa pagtuturo ng basic education, ibinabahagi rin Teacher Windel sa kaniyang mga estudyante ang tungkol sa sanitation, financial literacy, tree planting at pangangalaga sa kalikasan.

Sa bayang pinaglilingkuran niya, maraming mga bata ang hindi nagkaroon ng pagkakataon na makapasok ng paaralan o kaya ay makatapos man lamang ng elementarya dahil na rin sa kahirapan.

Isang malaking hamon para kay Windel hindi lamang ang mahihirap na komunidad kung hindi ang kahirapang abutin ang mga tao dahil sa layo, sa mga bundok na aakyatin at ilog na tatawirin para marating sila.

Imahe mula sa Facebook ni Teacher Windel

Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para kay Teacher Windel na ipagpatuloy ang kaniyang paglilingkod.

Sa pagitan ng 2011 at 2018, natulungan ng titser ang 126 na estudyante upang makapasa sa ALS Accreditation and Equivalency Test para sa elementarya at sekundarya.

Kinilala na rin dati ang dedikasyon ni Windel sa kaniyang advocacy at serbisyo sa kaniyang mga kababayan.

Noong 2018, nagawaran siya ng Civil Service Commission Outstanding Government Worker award at ng National Alternative Learning System Teacher Achievement award.

Ang Global Teacher Prize 2020 ay may kalakip na premyong $1-M mula sa Varkey Foundation. Inaasahang iaanunsiyo ang mananalo nitong darating na Setyembre.

Hangad natin ang suporta at panalangin ng ating mga kababayan sa jouney na ito ni Sir Windel.

Imahe mula sa Facebook ni Teacher Windel

Loading…