Binatilyong Kopino na hinanap noon ang mga kapatid na Koreano, isa nang certified P-Pop idol

Screenshot mula sa KMJS video
  • Mahiyaing binatilyo noon, isa na ngayong certified P-pop idol
  • Half-Korean, half-Pinoy si Jason Lee na unang naitampok sa KMJS noong 2017
  • Napanood ng casting director ng isang South Korean entertainment company ang KMJS kung saan nakita si Jason

Si Jason Lee ay isang Kopino – half-Korean, half-Filipino – na isinilang at lumaki sa Dingalan, Aurora.

Screenshot mula sa KMJS video

Malaki na ang naging pagbabago sa hitsura at buhay niya simula noong una siyang nakita sa telebisyon sa pamamagitan ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) tatlong taon na ang nakararaan.

Itinampok noon sa KMJS ang paghahanap ni Jason sa dalawa niyang kapatid na naiwan ng inang si Jing-jing sa South Korea.

Namamasukan noon sa Maynila si Jing-jing nang nakilala niya ang isang South Korean na kalaunan ay napangasawa. Nanirahan sila sa South Korea at nagkaroon ng dalawang anak – sina Lee Seung Hee at Lee Jin Hee.

Pero, hindi naging maganda ang kanilang pagsasama kaya napilitang tumakas si Jing-jing pauwi sa Pilipinas kahit buntis siya noon sa pangatlo nilang anak na si Jason.

Makalipas ang halos dalawang dekada, noong 2017 ay nakausap nilang mag-ina si Seung Hee sa pamamagitan ng KMJS.

Screenshot mula sa KMJS video

Lingid sa kaalaman nilang lahat, ang buhay ni Jason ay nakatakda na palang magkaroon ng napakalaking pagbabago simula nang oras na iyon.

Isang casting director ng entertainment company sa South Korea ang nakapanood ng KMJS kung saan niya nakita si Jason.

“I have a lot of Filipino friends. They said this Jessica Soho program is one of the best shows in the Philippines and it’s so touching and so popular. Our company casting director, he’s seen this program,” kwento ng presidente ng First One Entertainment na si Aaron Cha.

Screenshot mula sa KMJS video

“I think Jason he had a great passion,” sabi pa ni Mr. Cha.

Agad daw nilang tinawagan si Jason, na nag-research muna upang alamin kung lehitimo ang nasabing kumpanya.

“Sobrang nagulat po ako. Tri-ny ko pong i-research ‘yung company. Legit naman po sila,” ani Jason na lumuwas sa Maynila para mag-training pagka-graduate niya sa senior high school noong 2018.

Screenshot mula sa KMJS video

Makalipas ang dalawang taong pagte-training  sa pagsasayaw, pagkanta at pagsasalita sa harap ng maraming tao ay isa na ngayong certified P-pop (Pinoy Pop) idol ang dating mahiyaing si Jason. Isa siya sa anim na miyembro ng P-pop group na 1st.One.

Panoorin ang KMJS video:

<iframe width=”727″ height=”409″ src=”https://www.youtube.com/embed/-Cp2olFXnRM” frameborder=”0″ allow=”accelerometer; autoplay; encrypted-media; gyroscope; picture-in-picture” allowfullscreen></iframe>

 

Loading…