Binibining Pilipinas candidate inaming naging PUI dati at nagtitinda ng fishball, kikiam ngayon

Screenshot mula sa YT video ng Bb. Pilipinas
  • Isang kandidata ng Bb. Pilipinas ang ibinahagi ang kaniyang kuwento bilang dating PUI
  • Hindi rin nahiya ang dalaga na amining nagtitinda siya ngayon ng fishball at kikiam
  • Pinuri naman nina Catriona Gray at Nicole Cordoves ang ginawang paglalahad ng kandidata

Isang kandidato sa Binibining Pilipinas ang umantig sa damdamin nina 2018 Miss Universe  Catriona Gray at 2016 Miss Grand International  first runner-up Nicole Cordoves dahil sa kaniyang kuwento ng pagpupunyagi.

Si Kimberly Ann Tiquestiques, ang candidate No. 19 ng Binibining Pilipinas, ay taga Balagtas, Bulacan. Hindi itinago ng magandang dalaga na siya ay nagmula sa isang broken family at ngayon ay kasama niya sa bahay ang kaniyang ama at mga kapatid.

Imahe mula sa Facebook ni Kimberly Ann Tiquestiques

Dahil panganay sa magkakapatid, bata pa lamang ay nasabak na sa pagtatrabaho si Kimberly. Sa edad na 16 anyos ay namasukan na siya bilang isang service crew. Maliban sa kaniyang trabaho, sinubukan niya ring mag-sideline bilang modelo at usherette.

“Siyempre push pa din dapat yung pangarap,” aniya.

Nag-working student din umano siya subalit napilitang huminto para paglaanan ng oras ang kaniyang OJT. Sumali rin si Kimberly sa Binibining Bulacan kung saan siya itinangghal na nanalo.

Imahe mula sa Facebook ni Kimberly Ann Tiquestiques

Subalit ang hindi niya umano makakalilimutanng karanasan ay ang mapabilang siya sa mga PUI (person under investigation) nitong matapos ideklara ang pandemiya ng COVID-19 sa bansa.

Marso 19 umano nang makaramdam siya ng hindi maganda kaya agad siyang tumungo sa kanilang municipal health office na kaagad siyang idineklara bilang PUI. Sa loob umano nang halos isang buwan ay dumaan siya sa matinding pag-aalala sa kaniyang kalusugan.

“Thankfully naman andun ‘yung family ko, mga kaibigan ko, ‘yung mga nagmamahala sa akin,” ani Kimberly. “Ayun naging okay din lahat.”

Hindi rin ikinahiya ng dalaga na nagtitinda siya ngayon ng mga street food upang kahit paano ay kumita.

Screenshot mula sa YT video ng Bb. Pilipinas

 “Naisip ko mag-tindera ako. Nagtitinda ako ng fishballs at kikiam. Binalikan ko ‘yung pagtitinda ko nung high school ako. Kailangan ko talaga ng income para makatulong sa pamilya. Kailangang malagpasan natin ‘to!” bahagi pa ni Kimberly.

Pinuri naman nina Catriona at Cordoves ang ginawang paglalahad ni Kimberly ng kaniyang karanasan. Mayroong leksiyon, inspiring at walang gimik umano sa kuwento ng kandidata mula sa Bulacan.

Panoorin ang buong video ni Kimberly mula sa Bb. Pilipinas Introduction Video:

Loading…