Bong Revilla naglabas ng hinanakit sa mga bashers na naghangad ng masama sa kaniyang kalagayan

Mga imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Revilla
  • Naglabas ng sama ng loob sa kaniyang mga bashers si Senador Bong Revilla
  • Nakalulungkot umano na imbes hangarin ang kaniyang paggaling ay kabaligtaran pa ang wish nila
  • Ganun pa man, pinatawad na niya ang kaniyang mga kritiko

Makaraan ang ilang linggong pakikipaglaban sa coronavirus, nakalabas na ng pagamutan si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., at nagpapagaling na lang ngayon sa kanilang tahanan.

Sa kaniyang Facebook Live nitong Huwebes, ibinahagi ng senador ang hirap na kaniyang pinagdaanan simula nang makaramdam ng sintomas hanggang sa siya’y isugod sa ospital dahil sa pulmonya.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sen. Bong Revilla

“Ang tindi po. Hindi ko winish na sana magkaroon ang mga ibang tao na abutin ang katulad ng inabot ko,” anang mambabatas. “Dahil napakahirap po kaya kailangan talaga ang ibayong pag-iingat ng bawat isa.”

Pinayuhan din ng actor-politician ang sinuman na humaharap sa katulad na pagsubok na maging matapang dahil kung hindi ay posibleng takot at nerbiyos ang maging dahilan para ang isang tao ay matuluyan.

Nakuha rin nitong magbiro dahil sa kaniyang pinagdaanan: “I am a positive thinker sa buhay, sa lahat ng pananaw ko sa buhay, pero sa panahon ngayon, ayaw mo nang maging positive.”

Naglabas din ng sama ng loob si Revilla sa mga bashers niya na naghangad ng masama sa kaniyang kalagayan habang siya ay nakikipaglaban sa virus.

“Minsan po nakakalungkot. ‘Yung ibang tao imbes na i-wish ka na gumaling ka, may nagwi-wish pa na ——- ka na,” himutok ng senador.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sen. Bong Revilla

“Nakakalungkot. Pero ganun pa man, sa akin, pinapatawad ko sila ‘di nila alam ang ginagawa nila,” anito.

Giit pa ni Revilla, kahit marami ang bumatikos sa kaniya habang may sakit, mas marami pa rin ang nagdasal para sa kaniyang paggaling.

Mababatid na hindi naging maganda ang pagtanggap ng karamihan sa mga netizens sa balitang nagka-COVID ang mambabatas na ilang taon ding nakakulong sa Camp Crame dahil sa pagkakasangkot  sa ‘pork barrel scam’ noong 2013.

Si Revilla ang pang-apat na senador na nagpositibo sa coronavirus matapos ding tamaan nito sina Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara at Koko Pimentel.

Loading…