“Buenas” na cellphone number naibenta nang higit P15 milyon sa Hong Kong

Imahe mula sa The CEO
  • Cellphone number naibenta sa China sa halagang katumbas ng mahigit labinlimang milyong piso
  • Ang cellphone number ay may ending na limang sunud-sunod na number 8
  • Ang numero ay nagpapahiwatig daw ng kasaganahan at kayamanan

Malaking negosyo ang pagbebenta ng maswerteng cellphone number sa China. Ang cellphone number na kadalasang hinahanap ng mga tao roon ay ang may sunud-sunod na number 8 na sinusundan ng 9 o kaya ay 6. Ang pinakamaswerteng numero raw ay nagtatapos sa apat o limang sunud-sunod na number 8 na diumano ay nagpapahiwatig ng kasaganahan at kayamanan.

Imahe mula sa 88 cut

Noong nakaraang linggo, naibenta sa halagang 2.25 million yuan o katumbas ng mahigit labinlimang milyong piso sa Beijing ang isang cellphone number na itinuturing na maswerte. Nagtatapos iyon sa limang sunud-sunod na number 8.

Ang winner sa naturang auction ay nagbayad ng paunang 400 yuan upang makasali sa subastahan. Binigyan siya ng sampung araw upang bayaran ang kabuuang halaga.

Ang naturang cellphone number ay kabilang sa mga ari-ariang nakumpiska ng isang Beijing court at ibinenta sa pamamagitan ng online auction. Mahigit limang libo umano ang nagbigay ng kanilang bid para sa lucky mobile phone number.

Sa China, karamihan sa mga naghahanap ng lucky numbers ay mga young businessmen. Katulad ng kotseng Ferrari, ang lucky cellphone number ay itinuturing din na status symbol sa hanay ng mga Chinese businessmen. Handa silang magbayad ng malaking halaga para sa inaasam-asam na numero na may dalang buenas o swerte.

Imahe mula sa The CEO

Noong 2017, gumawa ng record sa isang auction platform ang cellphone number na may ending na walong 7s na naibenta sa halagang 3.91 million yuan o mahigit P27 million.

Ang seven ay katunog ng “arise” o “life essence” kapag binigkas sa kanilang wika. Itinuturing na maswerte sa relationships ang number 7.

 

Loading…