Bulacan Gov. Daniel Fernando nagpositibo sa COVID-19

Imahe mula sa Facebook ni Gob. Daniel Fernando
  • Nagpositibo sa COVID-19 si Bulacan Governor Daniel Fernando
  • Posible umanong nahawaan siya matapos makasalamuha ang isang lokal na opisyal na dinapuan dati ng coronavirus
  • Sa kabila nito patuloy pa ring maglilingkod ang opisyal kahit naka-self quarantine

Nagpositibo sa coronavirus si Bulacan Governor Daniel Fernando, ayon sa ibinahagi nitong Facebook post para sa kaniyang mga kababayan nitong Sabado, ika-29 ng Agosto.

Nabatid niya umanong dinapuan siya ng virus matapos lumabas ang resulta ng kaniyang real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) bilang positive-asymptomatic noong Biyernes.

Screenshot mula sa facebook ni Gob. Daniel Fernando

Naniniwala ang actor-politician na nahawa siya sa COVID-19 matapos makasalamuha ang isa ng lokal na opisyal na nagpositibo rin sa virus. Sa kabila nito, nananatili umano siyang maayos ang pakiramdam at hindi nakararanas ng anumang sintomas.

Nagdesisyon din ang gobernador na mag-self quarantine subalit patuloy siyang maglilingkod sa kaniyang mga kababayan kahit pa sa bahay na lang muna ito magtatrabaho.

“Ako po ay nagdesisyon na mag self-quarantine sa aking Official Residence kung saan ay patuloy kong pamumunuan ang Lalawigan ng Bulacan, partikular na ang pagsugpo sa pandemya,” anang gobernador.

Hindi rin muna pahihintulutan ang face-to-face interaction sa kahabaan ng kaniyang isolation period at ang kaniyang key staff ay magsusuot ng full PPE at lahat ng kanilang kagamitan at mga dokumento ay magdadaan sa ‘strict UV disinfection procedures’.

Imahe mula sa Facebook ni Gob. Daniel Fernando

“Sa kabila nito, patuloy ang buong operasyon ng lahat ng tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ang paghahatid ng pangunahing serbisyo-publiko,” wika pa nito.

Ipinag-utos na rin ng opisyal ang contact tracing sa lahat ng taong posibleng nakasalamuha niya nitong mga nagdaang araw. Bagama’t humaharap sa pagsubok, positibo pa rin ang pananaw ni Gob. Fernando na umaasang may aral na makukuha ang mga tao mula sa pandemiya.

“Ito ay ang pagkakataong isabuhay ang prinsipyo ng pagdadamayan ng sambayanan at pamahalaan, at ito nawa ay magpatuloy, hanggang sa tayo ay makabalik na sa normal na daloy ng buhay,” ayon pa sa gobernador.

Loading…