Cavite Gov. Jonvic Remulla itinangging lumalaban siya sa gobyerno

Screenshot mula sa Facebook video ni Gov. Remulla
  • Itinanggi ni Cavite Governor Remulla na kinokontra niya ang mga patakaran ng gobyerno
  • Fake news umano ito dahil hindi siya humihiwalay sa pamahalaan
  • Ilang beses na ring naglabas ng saloobin si Remulla tungkol sa kaniyang mga agam-agam sa mga isyu tulad ng cha-cha

Itinanggi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na kumakalaban siya sa mga patakaran at polisiya ng kasalukuyang administrasyon lalo na yaong may kaugnayan sa mga hakbang para labanan ang COVID-19.

Ilang beses na ring naglabas ng saloobin sa publiko si Remulla tungkol sa kaniyang mga agam-agam sa mga usapin na may kinalaman sa pamahalaan tulad ng planong pag-amyenda sa Saligang Batas at ang ipaiiral na online learning sa pagbubukas ng pasukan ngayong buwan.

Imahe mula sa Facebook ni Gov. Remulla

“Fake news po na ako ay lumalaban sa gobyerno dahil hindi kami nagkakatugma ng pananaw tungkol dito sa paano magpatakbo dito sa krisis,” ani Remulla sa ginawang televised briefing sa Malakanyang kamakailan.

“Huwag ho kayong maniniwala na humihiwalay po ako,” giit pa ng gobernador.

Kamakailan ay nanawagan din si Remulla na payagan na ang pillion riding sa Cavite matapos itong ipagbawal ng gobyerno. Pinuna rin ng gobernador ang disenyo na inaprubahan ng IATF para sa barrier na gagamitin ng mga may angkas sa motorsiklo.

Sa isyu naman ng charter change, nakiusap si Remulla sa mga kapwa opisyal ng gobyerno na pagtuunan muna ng pansin ang paglaban sa coronavirus.

Screenshot mula sa facebook video ni Gov. Remulla

Sa kabila nito, iginiit ng gobernador na suportado pa rin ng kanilang lalawigan ang mga kasalukuyang  patakaran ng gobyerno.

“Ang Cavite po, ang inyong lingkod po ay nakikiisa sa ating Pangulo at nakikiisa sa IATF kung ano man ang kanilang mga patakaran,” wika niya.

Samantala, pinagtutuunan umano nila ngayon ang plano ng lalawigan para sa edukasyon ng mga mag-aaral nitong school year 2020-2021.

Isa sa mga proyektong ilulunsad ng Cavite sa susunod na buwan ay ang libreng wifi para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan ng lalawigan.

Source :

GMA News, PLN, MSN

Loading…