Chinese restaurant na tinitimbang muna ang mga customers bago papasukin nabatikos

Imahe mula sa Global Times China
  • Chinese restaurant naglabas ng polisiya na titimbangin muna ang mga customers bago papapasukin
  • Nabatikos ang Chinese restaurant at napilitan itong humingi ng paumanhin sa publiko
  • Ang polisiya ay bunsod sa panawagan ni Chinese Pres. Xi Jinping sa publiko na huwag magsayang ng pagkain

Umani ng mga pambabatikos mula sa social media users ang isang restaurant sa Changsa, China dahil sa polisiya nito na kailangan munang magpatimbang ang mga customers bago papasukin.

Imahe mula sa Global Times China

Dalawang malalaking weighing scales ang nakalagay sa entrance ng nasabing restaurant. Pagkatapos magtimbang ng customer ay ipapasok ang datos sa isang app na magbibigay ng rekomendasyon ng mga pagkaing pagpilian base sa timbang ng customer at calorific value ng pagkain.

May mga nakapaskil din sa entrance na nagsasabing “be thrifty and diligent,” “promote empty plates,” at “operation empty plate.”

Nag-viral sa Chinese social media platform na Weibo ang hashtag tungkol sa polisiya ng naturang restaurant na umabot sa mahigit 300 million views; dahilan para mabahala ang management ng restaurant at magbigay ng paliwanag.

Humingi ito ng paumanhin sa diumano ay maling interpretasyon sa panawagan ni President Xi Jinping tungkol sa pagtitipid at hindi pagsasayang ng pagkain. Hindi naman daw sapilitan ang pagpapatimbang bago kumain.

“Our original intentions were to advocate stopping waste and ordering food in a healthy way. We never forced customers to weigh themselves,” paliwanag ng restaurant.

Imahe mula sa Weibo

Noong nakaraang linggo sinabi ni President Xi Jinping na nakagugulat at nakababahala ang “food wastage” sa China. Binanggit niya ang “Operation Empty Plate” na dati nang inilunsad noong 2013 na ang target ay wakasan ang malalaking piging na madalas gawin  ng mga Chinese officials.

Pinalawig na ngayon ang kampanya para isama ang publiko. Hinikayat niya ang mga mamamayan na iwasan ang pagsasayang ng mga pagkain.

Bilang tugon sa panawagan ng kanilang pangulo, ang state media at online platforms ay naglunsad ng kampanya laban sa food wastage.

Nagbabala ang  Douyin at Kuaishou, popular na livestreaming platforms sa China, na isasara nila ang mga account ng mga netizens na gumagawa ng “mukbang” o binge eating videos.

Imahe mula sa Dahin Jung

Loading…