Concrete barriers sa EDSA pinalitan na ng steel bollards

Imahe mula sa TabloidPH
  • Sinimulan na ng MMDA na palitan ng steel bollards ang mga concrete barriers sa EDSA
  • Unang kinabitan ng steel bollarad ang bahagi ng EDSA malapit sa Shaw boulevard sa Mandaluyong City
  • Ang mga inalis na concrete barriers ay ililipat malapit sa mga loading and unloading bays

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakabit ng mga steel bollards bilang kapalit ng mga concrete barriers sa kahabaan ng EDSA.

Imahe mula kay MMDA traffic chief Bong Nebrija

Ang mga concrete barriers na naghihiwalay sa EDSA Busway mula sa ibang lanes ay ilang beses nang nasangkot sa aksidente na nagresulta sa pinsala ng mga sasakyan. Nitong Linggo, August 23, ay sinimulan ng mga MMDA personnel ang pagkakabit ng steel bollards sa bahagi ng EDSA na malapit sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Ayon  kay MMDA General Manager Jojo Garcia, mas ligtas gamitin ang steel bollard. Kahit tamaan ito ng sasakyan ay hindi matitinag sa kinatatayuan dahil ito ay nakabaon mismo sa kalsada hindi tulad ng concrete barrier na nakapatong lang.

Mas maliit na espasyo rin ang kinakain ng bollard kaysa sa concrete barriers kaya mas mama-maximize ang espasyo ng EDSA para sa mga dumaraang sasakyan.  Mas madali rin umano itong makita kaya naniniwala ang mga traffic enforcers na mababawasan ang vehicular accidents sa lugar.

Imahe mula kay MMDA traffic chief Bong Nebrija

Tinatayang aabot sa anim na libong steel bollards ang ikakabit sa kahabaan ng EDSA, kabilang ang mga underpass at overpass.

Ang mga tinanggal na concrete barriers ay gagamitin pa rin. Ililipat ang mga iyon malapit sa mga loading and unloading bay.

Nilinaw ng MMDA na hindi ang concrete barriers ang dahilan ng mga aksidente kundi ang mga driver na kulang sa disiplina sa pagmamaneho.

Sabi ni MMDA GM Garcia, ang mga steel bollards ay donasyon sa MMDA mula sa pribadong sektor.

Imahe mula sa TabloidPH

Loading…