Condo tenant ‘tinakbuhan’ na ang renta, ‘itinakbo’ pa raw ang ref ng may-ari

Imahe mula sa MakeUseOf
  • Tenant ng isang condo unit sa QC, tinakasan raw ang renta at bills
  • Umabot sa P200,000 ang iniwang bayarin ng tenant, ayon sa may-ari
  • Bukod dito tinangay din daw nito ang ref ng unit, na itinanggi naman ng tenant

Nahaharap sa reklamo ang isang babaeng tenant ng condominium unit sa Quezon City matapos umano nitong takbuhan ang renta na aabot sa P200,000 ayon sa may-ari.

Base sa ulat ng ABS-CBN News, inireklamo sa pamunuan ng Barangay Kalusugan ang isang Wendy Mendoza ng may-ari ng 2-bedroom condo unit na si William Sarao.

Nagsimula umanong mangupahan sa unit si Mendoza noong Enero nitong taon. Subalit noong Marso, nakiusap ito sa may-ari na hindi muna magbabayad alinsunod na rin sa ipinatupad na moratorium sa upa ng Department of Trade and Industry (DTI).

Imahe mula sa ABS-CBN News

Umabot hanggang Hulyo ay hindi na nakabayad sa upa si Mendoza na nagkakahalaga ng P30,000 kada buwan.

“Nag-start kasi nung March, tapos umabot July, move out dapat July 25. Pumunta ako dito, July 25 na ‘yon. Nag-message s’ya di siya makakapunta,” kuwento ni Sarao sa panayam ng ABS-CBN.

Sinubukan din daw ng tenant na magpadala ng payment transaction na halagang P50,000 subalit peke pala dahil wala namang pumasok na pera.

Maliban sa renta, iniwan din ni Mendoza ang mga hindi nabayarang bills sa kuryente, tubig, internet pati na ang multa sa hindi pagsusuot ng face mask. Sa kabuuan, ang kailangang bayaran ng tenant ay P200,000 umano.

Ang masama pa, pati daw ang refrigerator unit sa fully-furnished na condo ay tinangay din nito nang umalis.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Dismayado si Sarao dahil naging mabait naman silang may-ari at madaling kausap.

Samantala, itinanggi naman ni Mendoza na tinakbuhan niya ang renta sa unit. Nag-iipon daw muna siya ng pambayad at babalikan niya ito.

“Bakit ang tao dinadaan sa public shaming ‘yung mga bagay na personal namang naaayos?” wika nito. “Kaya ko ito ma-settle. Marunong ako kumayod.”

Hindi rin daw niya itinakas ang ref kung hindi ipaaayos lamang dahil may sira ito.

Pinaalalahanan naman si Mendoza ng barangay na kailangang i-settle nito ang mga bayarin dahil kung hindi ay tuluyan itong sasampahan ng kaso sa korte.

Loading…