Coronavirus nadiskubre sa ilang frozen seafood packages sa China

Imahe mula sa Live News
  • Na-detect ang coronavirus sa ilang frozen seafood packages sa isang lungsod sa China
  • Nadiskubre ang virus matapos ang pinaigting na monitoring sa daungan ng Yantai kasunod ng outbreak muli sa Beijing at Dalian
  • Isinailalim na sa quarantine ang mga taong nagkaroon ng contact sa frozen seafoods bagama’t nagnegatibo na sila sa testing

Nadiskubre ang pinaniniwalaang strain ng SARS-CoV-2, ang pinagmulan ng coronavirus, sa ilang packaging ng frozen seafoods sa lungsod ng Yantai sa China kamakailan. Kinumpirma ito ng lokal na awtoridad ng Yantai nitong Martes, ika-11 ng Agosto.

Nadiskubre ang virus matapos ang pinaigting na inspeksiyon at monitoring ng mga frozen package na dumarating sa daungan ng Yantai kasunod ng panibagong outbreak ng coronavirus sa ilang industriya sa Beijing at Dalian.

Port City of Dalian| Imahe mula sa SeaNews Turkey

Ayon sa ulat ng South China Morning Post, na-detect ang virus sa Yantai Economic and Technological Development Zone matapos magsagawa ng blanket test sa mga frozen foods at mga trabahador ng processing sector doon nitong Lunes.

Tuluyan itong kinumpirma ng Centre for Disease Control and Prevention ng pamahalaang lungsod ng Yantai.

Nagmula umano ang apektadong seafood packages sa isang batch ng cargo na sakay ng banyagang barko na dumaan sa Dalian port.

Imahe mula sa The Straits Times

Hindi naman sinabi ng mga awtoridad kung anong frozen seafood ang naapektuhan at kung saan ito nagmula. Gayunman, kinumpirma ng ilang opisyal na may maliit na bahagi ng package ang na-reprocess na at na-export sa ibang lugar habang ang karamihan ay nananatili pa rin sa storage at hindi pa naipapamahagi sa lokal na pamilihan.

Nagnegatibo naman ang mga empleyadong pinaniniwalaang nagkaroon ng contact sa nabanggit na seafood package. Ganun pa man, isinailalim pa rin sila sa quarantine upang makasiguro.

Loading…