Crime of the year? Dating opisyal naniniwalang aabot sa P15-B ang nanakaw sa Philhealth

Imahe mula sa PASEI
  • Aabot umano sa P15-B ang perang nanakaw ng mafia mula sa pondo ng Philhealth
  • Ito ang ibinulgar ng nag-resign na anti-fraud legal officer na si Atty. Thorsson Montes Keith
  • Plano rin daw na gawing pang-abono sa nanakaw na pera ang kontribusyon mula sa mga OFW

Naniniwala ang nagretirong opisyal ng Philhealth na si Atty. Thorsson Montes Keith na aabot sa P15-billion ang perang nanakaw ng ‘mafia’ mula sa ahensiya sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng maanomalyang transaksiyon.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado nitong Martes, sinabi ni Keith, ang nagresign na anti-fraud legal officer ng Philhealth, na sangkot dito ang ilang matatataas na opisyal ng ahensiya subalit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.

Atty. Keith| Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

“Naniniwala po ako base sa aking imbestigasyon na ang perang nawaldas at ninakaw ay humigit kumulang P15 billion,” pagbubulgar ni Keith. “Ang aking natuklasan sa PhilHealth ay matatawag po na krimen ng taon o sa English ay crime of the year.”

Kabilang umano sa ginagawang gatasan ng mafia ay mga kuwestiyunableng cash advances, paggamit ng interim reimbursement mechanism at patuloy na pagbili ng mga IT equipment kahit na mayroon na nito ang ahensiya.

“Naniniwala po ako na ang dahilan kung bakit hindi natatapos ang korapsyon sa PhilHealth at naging kultura na nga po ito, ay ang pagtatalaga o paglalagay ng mga sindikato o mafia ng kanilang kasamahan, kasabwat, o kapwa sindikato sa mga matataas na posisyon at mga posisyon na nakakatulong sa kanilang iligal na operasyon,” ani Keith.

OFW contribution ang pang-abono

Maliban dito, plano rin umano ng mafia na gamitin ang kontribusyon mula sa mga OFW para gawing pang-abono sa nanakaw na pondo.

Magugunitang isa ito sa mahigpit na tinutulan ni Keith dahil hindi raw ito saklaw ng Universal Health Care (UHC) at labag sa Saligang Batas.

Ibinulgar din ng abogado sa nasabing pagdinig na inutusan siya dati ni PhilHealth president and CEO Ricardo Morales na kausapin si Presidential Anti-Corruption Commissioner (PACC) Greco Belgica upang ‘hilutin’ ang overpriced na COVID-19 test kits; bagay na tinanggihan niya umano.

Ricardo Morales| Imahe mula sa PIA

Samantala, bagama’t hindi direktang sinagot ni Morales ang mga akusasyon ni Keith, inamin naman ng Philhealth chief na tulad ng healthcare systems sa ibang bansa, hindi perpekto ang Philhealth.

“Kahit linggo-linggo tayong magpalit ng presidente, hindi ho mawawala ang problemang ito. There is no healthcare system in the world that is entirely fraud-free,” ani Morales.

Nakiusap din ang dating heneral na tulungan ang ahensiya, imbes na pagtulungan, upang masugpo ang kurapsiyon sa loob nito.

Loading…