Daan-daang used COVID-19 rapid test kits itinapon lang sa gilid ng kalsada

Imahe mula sa Office of Municipal Mayor - Abuyog, Leyte
  • Napakaraming used rapid test kits ang itinapon sa gilid ng isang kalsada sa Leyte
  • Ang mga used test kits ay nadiskubre ng mga kagawad ng Barangay Balinsasayaw sa bayan ng Abuyog
  • Ipinahakot na ng alkalde ang mga delikadong basura upang itapon sa paraang naaayon sa health standards

Nabahala ang lokal na pamahalaan ng Abuyog, Leyte matapos madiskubre ang napakaraming mga nagamit nang COVID-19 rapid antibody test kits na itinapon lang sa gilid ng isang highway.

Imahe mula sa Office of Municipal Mayor – Abuyog, Leyte

Ang mga sako-sakong used rapid test kits ay nakita umano ng mga kagawad ng Barangay Balinsasayaw na agad nag-report sa munisipyo. Agad itong pinapuntahan sa mga kapulisan at sanitary inspector upang mag-imbestiga.

Napag-alamang galing ang mga used rapid test kits sa isang pribadong clinic na tinatayang nasa isandaang kilometro ang layo mula sa munisipalidad ng Abuyog. Ayon sa alkalde ng Abuyog na si Mayor Lemuel Gintraya, batay sa inisyal na imbestigasyon ay driver ng isang sasakyan ang nagtapon ng mga iyon.

“Nalaman na lang namin na galing pala ito sa isang private clinic. Tinapon daw ng driver so, hindi pa kami sure. The investigation is still ongoing,” anang alkalde.

“According sa investigation namin, it’s from a different municipality actually so it’s from a different district. Malayo talaga like mga 100 kilometers, more than 100 kilometers away,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa Office of Municipal Mayor – Abuyog, Leyte

Nagsasagawa na rin daw ng imbestigasyon ang Environment Management Bureau at ang Department of Health. Ang mga test kits ay ipinahakot na ni Mayor Gintraya upang itapon ng maayos na naaayon sa health standards.

“Per advice ng EMB, lagyan daw ng concentrated chlorine, i-sanitize siya then ilagay sa plastic drum, ‘yong blue na malaki na drum, tapos i-seal siya, huwag na siyang buksan kasi ‘yon nga delikado kasi,” ani Mayor Gintraya.

Hinikayat niya ang mga residente na maging mapagmatyag upang mapangalagaan ang kalusugan sa munisipalidad.

Imahe mula sa Office of Municipal Mayor – Abuyog, Leyte

Loading…