Dalawang babaeng magpinsan na 15 oras nawala sa dagat, masuwerteng nailigtas

Imahe mula sa Irish Examiner
  • Dalawang paddle boarders sa Ireland ang napadpad sa malayong bahagi ng karagatan dahil sa malakas na hangin
  • Ligtas na natagpuan ang dalawa dalawampung milya mula sa baybayin matapos ang labinlimang oras
  • Dahil sa tamang kalkulasyon ng wind speed at direction ay nahulaan ng mag-amang mangingisda kung saan napadpad ang paddle boarders

Labinlimang oras na nanatili sa dagat sa Galway, Ireland ang dalawang babaeng magpinsan matapos tangayin ng malakas na hangin habang nagpa-paddle boarding noong Miyerkules ng gabi, ika-12 ng Agosto, bago sila natagpuan ng mag-amang mangingisda.

Imahe mula sa Irish Examiner

Kinilala ang magpinsan na sina Sara Feeney, 23 anyos at Ellen Glynn, 17 anyos.

Kuwento ng ina ni Sara Feeney, pasado alas otso ng gabi nang mag-paddle boarding ang magpinsan habang siya naman ay ipinapasyal sa beach ang alagang aso. Aniya, napansin niyang medyo may kalayuan na ang nararating ng dalawa kaya nakaramdam siya ng pag-aalala.

Ang pag-alala ay nauwi sa takot nang tuluyang mawala sa kanyang paningin ang anak at pamangkin.

“I was just walking the dog on the beach while they went in for the paddle board on the beautiful evening that we had. We had a lovely kind of chat and in good spirits and the next thing they were just going out . . . they seemed to be going out a bit far and I started to be kind of like that’s a bit far,” kuwento ni Mrs. Feeney.

Humingi na siya ng tulong sa coast guard nang hindi pa rin bumabalik ang dalawa kahit malalim na ang gabi.

May suot namang lifejacket ang dalawa, pero walang wetsuit dahil wala silang balak na magtagal sa tubig, ayon kay Mrs. Feeney.

Imahe mula sa PA

Agad nagsagawa ng night search and rescue operation ang Royal National Lifeboat Institution. Tumulong na rin ang iba pang grupo sa paghahanap habang lumalalim ang gabi. Kinabukasan ng umaga, daan-daang tao ang sumuyod sa dalampasigan upang hanapin ang magpinsan.

Tumulong rin sa paghahanap ang mag-amang local fishermen na sina Patrick at Morgan Oliver. Sila ang nakakita sa magpinsan.

Ayon kay Patrick, kinalkula niya ng bilis at direksyon ng hangin kaya nagkaroon siya ng ideya kung saan napadpad ang dalawa. Hindi siya nagkamali. Natagpuan nilang mag-ama ang dalawang babae dalawampung milya mula sa baybayin. Nakakapit sila sa buoy o palutang na nakakabit sa isang lobster trap.

Sabi ni Mrs. Feeney, habambuhay nilang tatanawing utang na loob sa mag-ama ang pagligtas kina Sara at Ellen.

Screenshot mula sa RTE video
Source :

Irish Times, CNN

Loading…