“Darna” hindi na naman makalilipad sa pangatlong pagkakataon

  • Hindi na naman makalilipad si “Darna”
  • Naglabas ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN na hindi na itutuloy ang pelikula, bagama’t nasa kanila pa rin ang rights nito
  • Mahihirapan umano ang produksyon para makapagbigay ng de-kalidad na pelikula kung patuloy pa rin tayong nakararanas ng pandemya

Hindi na matutuloy sa pangatlong pagkakataon ang pelikulang “Darna” ng Star Cinema, ang movie outlet ng ABS-CBN, na pagbibidahan sana ni Jane De Leon dahil na rin sa pandemya.

Naglabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng ABS-CBN Kapamilya Network hinggil sa kanilang desisyong ipagpaliban muna ang paggawa ng naturang pelikula dahil na rin sa kasalukuyang nahaharap pa rin sa pandemya ang bansa, at walang katiyakan kung kailan ulit mapapayagan ang mga manonood na pumasok sa mga sinehan.

Imahe mula sa Facebook page ng Kapamilya Online World

“Nananatili ang rights ng Darna sa ABS-CBN na nagdesisyong itigil muna ang produksyon ng pelikula pagkatapos ng masusing pag-aaral sa naging epekto ng COVID-19 pandemic sa industriya ng pelikula at mga sinehan,” panimulang talata ng pahayag.

“Handa kaming sumunod sa production guidelines sa ilalim ng new normal at pangalagaan ang kaligtasan ng mga artista at manggagawang kabilang sa produksyon.”

“Ngunit dahil nangangailangan ng kumplikadong logistics, crowd shots, at fight scenes na may physical contact ang pelikula, mahihirapan kaming bigyan ng hustisya ang superhero film habang sumusunod sa guidelines.”

“Nasa kalagitnaan pa rin tayo ng isang pandemya, at mahirap sabihin kung kailan makababalik ang mga sinehan at mga manonood.”

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng cast, staff, at production crew sa trabahong ibinuhos nila sa proyekto. Nagpapasalamat din kami sa pamilya Ravelo, sa fans ni Darna, at sa publiko para sa suporta at pang-unawa,” nakapaloob sa opisyal na pahayag ng Kapamilya Network.

Public Domain Image

Sinasabing nalugi ng halos 140 milyong piso ang Star Cinema dahil nagsimula na ang training ni Jane para sa nasabing superhero movie at nagsimula na rin ang pre-production at shooting nito nang bigla namang magka-pandemya.

Marami ang nagkomento na mukhang hindi pa napapanahon ang muling paglipad ni Darna dahil kailangan pang palipasin ang pandemya. Matatandaang gagawin sana ito ni Angel Locsin, subalit dahil sa kaniyang isyung pangkalusugan, ipinasa niya ang “bato” kay Liza Soberano, na nagpasa naman nito kay Jane De Leon matapos magkaroon ng fracture ang kaniyang daliri.

Ang tanong, kung sakaling bumalik na ulit sa normal ang lahat, kay Jane pa nga ba ang bato, o kailangan na niya itong ipasa sa iba?

Loading…