DepEd, humingi ng paumanhin sa mga mali-maling impormasyon sa TV broadcast questionnaire

  • Humingi ng tawad ang DepEd sa mga mali-maling impormasyong nakalagay sa isang TV broadcast questionnaire sa asignaturang Ingles
  • Layunin daw talaga ng kanilang test run ay makita ang mga problemang gaya nito
  • Nangako naman ang kagawaran na magiging maayos ang handa ang lahat para sa pasukan

Inamin ng Department of Education o DepEd nitong Miyerkules, Agosto 12, 2020 na may ilang mga pagkakamali sa impormasyon, grammatical at typographical errors sa ilang mga episodes sa isinagawang test broadcast ng DepEd TV upang matiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng mga klase sa Agosto 24, 2020.

Kaugnay kasi ito ng mga kumakalat sa social media na kuhang larawan sa English subject questionnaire para sa Grade 8 kung saan tinatanong kung ano ang kahulugan ng salitang “picturesque” na nakasalungguhit sa pangungusap na “Tagaytay City is known for wonderful picturesque of the majestic Mount Taal.” Mali ang mga options nito na charming, running, ruined, at perhaps na malaya sa hinahanap na sagot.

Imahe mula sa Facebook / Twitter

Ayon mismo kay DepEd Undersecretary Alain Del Pascua, nakatanggap umano sila ng mga negatibong komento at feedback mula sa mga magulang at netizens nang umere na ang test broadcast noong Agosto 11, 2020. Hindi naman niya itinatwa ang pagkakamali ng kagawaran.

“Tama ang mga komento ng mamamayan na may mga mali nga sa accuracy at maging sa grammar at typography,” ayon kay Pascua.

Humingi na siya ng dispensa hinggil sa mga nangyari. Asahan daw ng lahat na magiging maayos at handa ang lahat para sa nalalapit na pasukan.

“Asahan po ninyo na patuloy ang pagsasaayos na ginagawa ng DepEd upang maging maayos at handa ang lahat para sa darating na pagbubukas ng klase, mapa-online, radyo, tv o modular man,” aniya.

Dahil unang beses pa lamang gagawin, talagang sinadya nila ang test run ng  “DepEd TV”  sa IBC-13 at sa Solar naman sa digital upang masukat ang kapasidad ng educational episodes sa ilalim ng blended/distance learning approach. Ipahahatid ang mga aralin sa pamamagitan ng mga teacher-broadcasters.

Public Domain Image

Sa mga pampubliko at maging sa ilang pampribadong paaralan, may kalayaan ang mga mag-aaral na mamili kung anong modality ang nais nila sa pag-aaral: online class, modular class,  o television and radio-based instruction (TV-RBI). Ang huli ay paraan ng DepEd upang maabot ang mga mag-aaral na nasa malalayong lugar.

Loading…