Deped San Pablo nakatanggap ng gaming laptops mula sa LGU para sa mga learning coordinators

Imahe mula sa Facebook ng DepEd Tayo San Pablo City
  • San Pablo City LGU nag-donate ng gaming laptops sa DepEd learning coordinators ng lungsod
  • Ito ay bilang tulong at suporta sa nalalapit na pagbubukas ng klase mula sa kanilang alkalde
  • Kinuwestiyon naman ng ilang netizens kung kailangan ba talagang ‘gaming laptop’ ang ipamigay

Namigay ng mahigit 100 piraso ng gaming laptops ang lokal na pamahalaan ng San Pablo City, Laguna para sa mga learning coordinators ng Department of Education (DepEd) ng lungsod.

Ayon sa Facebook post ng DepEd Tayo San Pablo City, ang 103 units ng laptop ay donation mula kay Hon. Mayor Loreto S. Amante bilang tulong at suporta sa nalalapit na pagbubukas ng klase kung saan ipatutupad ang distance learning.

Screenshot mula sa Facebook ng DepEd Tayo San Pablo City

“The recipients are the 80 Learning Resource Coordinators of elementary and secondary school plus 23 Division Personnel. This is part of LGU support to Basic Education Learning Continuity Plan and cannot be expedited without the help of Sir Paul Michael Cuadra,” ayon sa Facebook post.

Subalit umani rin ng puna ang nabanggit na post na karamihan ay nagtatanong kung kailangan nga ba talagang ‘gaming laptop’ ang ipamigay sa mga guro. Mas mahal kasi ito kaysa sa ordinaryong laptop at halos doble ang presyo.

Base sa mga larawang ibinahagi, ang laptop na ipinamigay ay TUF Gaming brand na gawa ng Asus. Ang pinakamurang unit nito ay aabot sa P38,999 ayon na rin sa Asus pricelist.

Puna ng mga netizens, sana ay isang ordinaryong office laptop na lang ang ipinamigay upang magamit pa ang ibang pera sa mas mahalagang pangangailangan lalo pa ngayong panahon ng pandemiya na kailangang magtipid ng gobyerno.

Imahe mula sa Facebook ng DepEd Tayo San Pablo City

Bukod dito, hindi naman umano kailangan ng mga guro at learning coordinators ang mataas na specifications ng laptop na gagamitin dahil ang naturang laptop ay nakadisenyo para sa gaming sapagkat mataas ang graphics nito.

“I think it’s too overkill to use “Gaming” types of setup for education and office purposes …” komento ng isang netizen.

“This machine is not for Government project. Could have bought Lenovo for business and save money to something more useful,” ayon naman sa isang commenter.

Dagdag naman ng isang nagreact, “This is kind of sad because those monitors are expensive. If they bought lower quality ones, mas madami makikinabang na bata.”

Subalit mayroon ding dumepensa sa ginawa ng LGU San Pablo. Wika ng iba, hindi ito para sa mga estudyante kundi para sa mga coordinators kaya ‘reasonable’ din ang pagbibigay ng mataas na uri ng unit.

Imahe mula sa Facebook ng DepEd Tayo San Pablo City

“This is pretty reasonable. Teachers don’t upgrade their gadgets that often. A “gaming” laptop is a better choice for these teachers because it is fast and reliable. 35k gaming laptop > 35k normal laptop,” sang-ayon ng isang netizen.

“Di naman porke’t tuf gaming binigay na laptop sa mga guro is overkill na. Mas ok nga yan at least talagang magagamit nang maayos ng mga teachers, kesa bigyan sila ng laptop na mura lang tapos masisira agad. Minsan lng makatanggap mga teachers ng magandang equipments sasabihin nyo pa overkill,” wika naman ng isa pa.

Marami man ang pumuna, nagpahayag pa rin ng pasasalamat ang DepEd San Pablo sa kanilang butihing alkalde dahil sa hindi inaasahang donation.

Loading…