DILG isinara muna ang 911 hotline matapos magpositibo sa COVID ang 5 telecommunicators

Imahe mula sa PNA
  • Isinara muna ng DILG ang 911 emergency hotline ng NCC
  • Ito ay matapos dapuan ng COVID-19 ang limang empleyado nito
  • Inatasan na mag-home quarantine ang mga apektadong empleyado habang isinasagawa na ang contact tracing

Isinara muna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 911 emergency hotline nito matapos tamaan ng coronavirus ang limang telecommunicators ng National Call Center (NCC) nitong nagdaang weekend.

Ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, pinauwi na nila ang lahat ng empleyado ng NCC at inatasang maghome quarantine habang ginagawa na rin ang contact tracing sa posibleng nakasalamuha ng apektadong empleyado.

Imahe mula sa Facebook ni Usec Jonathan Malaya

“Medyo may kaunti po tayong problema dahil nagkasakit po ang ating mga emergency telecommunicators, naapektuhan po tayo ng pandemya. Doon po sa una naming report ay may dalawa tayong nagpositibo,” ani Malaya sa panayam ng dzBB.

Bukod sa naunang dalawa, nadagdagan pa umano ng tatlo ang nagpositibong empleyado kaya umakyat na sa lima ang tinamaan ng virus.

Ito ang dahilan kung bakit nire-route muna ang mga tawag sa 911 patungo sa ibang local call center habang inaayos pa ang sitwasyon sa NCC.

Imahe mula sa Twitter

“Dahil po sa sitwasyong ito ay temporarily nireroute natin ang mga tawag sa 911 papunta doon sa mga local call centers so hindi po natin inaasahan ang pangyayaring ito pero kailangan po nating harapin ang sitwasyon na ito,” ayon sa opisyal.

Humingi rin ng paumanhin at pang-unawa ang DILG sa publiko sapagkat kailangan din umanong protektahan ang kalusugan ng mga telecommunicators sa panahong ito.

Samantala, ang sinumang may mga emergency na nais ipaalam agad, maaari umanong itawag ito sa hotline ng mga local government units (LGUs) o kaya ay sa lokal na himpilan ng pulisya.

Loading…