Diskarte ni Ma’am! Mga guro sa Mindoro umangkas sa payloader maihatid lamang ang modules sa kanilang mag-aaral

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN
  • Mga guro sa Oriental Mindoro sumakay ng payloader para maihatid lamang ang modules
  • Dahil katatapos lang ng ulan, pinakiusapan umano nila ang drayber ng payloader na iangkas sila
  • Pahirapan umano ang internet sa lugar at ang ilang mag-aaral ay walang gadgets

Ang pagtuturo raw ang itinuturing na pinakamarangal na propesyon sa buong mundo. Unang-una ay dahil talagang hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga guro maibigay lamang ang pinakamahusay na serbisyo sa abot ng kanilang makakaya.

Tulad na lamang ilang guro sa P. Olarte Elementary School sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro na kinailangan pang sumakay ng payloader maihatid lamang sa kanilang mga estudyante ang module na kanilang ginawa.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Kuwento sa ABS-CBN ni Michelle Leviste, teacher-in-charge ng P. Olarte Elementary School, katatapos lang umulan noon at kailangan nilang ihatid ang modules sa mga mag-aaral na katutubo sa Sitio Ilaya na aabot sa 200 estudyante.

Dahil malakas ang agos ng ilog, pinakiusapan nila ang operator ng payloader na isakay sila para makatawid lamang sa kabilang ibayo. Ang naturang payloader ay ginagamit para sa isang quarry site na malapit sa lugar.

“Ia-assess namin ngayon paano ang pinakamadaling paraan para makuha ang modules ng mga bata,” kuwento ni Teacher Michelle.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN

Ayon pa sa guro, mahirap ang signal ng internet sa ilang bahagi ng barangay at ang ilan namang mag-aaral ay walang gadget na magagamit.

Hinimok din ng ibang kasamahang guro ni Teacher Michelle ang mga magulang na huwag gawing hadlang ang pandemya upang matuto ang kanilang mga anak, at sa halip ay gawin itong dahilan para lalo pang magsikap.

Umaasa rin umano sila na makikipagtulungan ang mga magulang ng bata at sasamahan sila sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Panoorin ang kanilang kuwento sa video na ibinahagi ng ABS CBN:

Loading…