Distribusyon ng mga bagong plaka ng motorsiklo sinimulan na ng LTO

Imahe mula sa Facebook page ng LTO-NCR
  • LTO nagsimula na ng distribusyon ng mga bagong plaka ng motorsiklo
  • Ang distribusyon ay para lang muna sa LTO-NCR Regional Office
  • Taglay ng mga bagong plaka ang ilang safety features gaya ng RFID sticker, QR Code at reflectorize sheeting

Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pamamahagi ng mga bagong plaka ng motorsiklo noong Huwebes, ika-27 ng Agosto, sa National Capital Region.

Imahe mula sa Facebook page ng LTO-NCR

Nagsagawa ng ceremonial launching and distribution of newly designed motorcycle plates sa LTO-NCR West Regional Office matapos matanggap ang 70,000 plates na ipamamahagi sa mga motorcycle dealeers.

Ang inisyal na 5,000 motorcycle plates ay naipamahagi na sa ginawang seremonya. Ang natitira ay idi-distribute sa mga susunod na araw.

Batay sa datos ng LTO, mahigit 1.3 million ang backlog ng ahensya sa plaka ng motorsiklo sa buong bansa.

Mula sa nasabing backlog, ang mga plate number ng 235,262 motorsiklong naiparehistro noong 2018 ay naipadala sa LTO Central Office Manufacturing Plant para magawa ang plaka. Kaya umanong gumawa ang planta ng hanggang 7,500 plates kada araw.

Taglay ng mga bagong plaka ang ilang safety features gaya ng RFID sticker, QR Code at reflectorize sheeting.

Nagbigay ng abiso sa social media ang LTO-NCR West na ang ginagawang distribusyon ng mga bagong plaka ng motorsiklo ay para lang sa naturang regional office. Maghintay lang daw ng announcement para sa ibang rehiyon.

Imahe mula sa Facebook page ng LTO-NCR

“Ang distribusyon ng mga motorcycle plates, ngayong araw, ay sisimulan sa LTO-NCR West lamang. Mangyaring mag-antay ng karagdagang anunsyo para sa ibang mga rehiyon,” ayon sa public advisory ng LTO-NCR West.

Ayon pa sa advisory, ang implementasyon ng mga probisyon na may kaugnayan sa motorcycle plates na nakapaloob sa Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act ay ipinagpaliban muna hanggang sa susunod na paglabas ng kanilang abiso.

Loading…