‘Dr. Love’ ni Bro. Jun Banaag magpapaalam na rin sa ere makaraan ang dalawang dekada

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Magpapaalam na rin sa himpapawid ang ‘Dr. Love’ ni Bro. Jun Banaag
  • Sa Biyernes, Agosto 28, na mapakikinggan ang huling episode nito
  • Tiniyak naman ni Dr. Love na hindi siya lilipat sa ibang radio station

Habang nalalapit ang Setyembre, halos sunod-sunod na nawawala sa ere ang mga programa ng ABS-CBN at ang Kapamilya radio station na DZMM. Kasabay nito, nagpaalam na rin ang ilang kilalang personalidad sa kanilang mga masugid na tagapanood at tagapakinig.

Nitong Miyerkules ng gabi, ibinahagi ni Bro. Jun Banaag na magpapaalam na rin ang kaniyang programang ‘Dr. Love’ sa DZMM matapos ang mahigit dalawang dekada sa himpapawid.

Imahe mula sa Facebook

“Very soon ay mamaalam ako sa inyo,” ani Bro. Jun. “Sa araw ng Biyernes ang pinakahuling episode ng aking programang ‘Dr. Love Radio Show’ after 21 years.”

Nitong Agosto 28 ang tinutukoy ng well-loved late-night radio host. Hanggang katapusan na lang kasi ng buwan ang ibinigay na palugit sa Kapamilya network matapos itong mabigong ma-renew ang kanilang prangkisa mula sa Kamara.

“After all those awards that the program has received, after all the acclamations that the program has gained from people, sa lahat ng makukulay na mga kasaysayan na naganap sa programa sa loob ng dalawampu’t isang taon, wawakasan po natin sa Biyernes, a-beinte otso ng Agosto,” dagdag pa ni ‘Dr. Love’.

Subalit nauunawaan naman umano niya ang desisyon ng management at ginagawan naman ng paraan na manatili sila sa ere kahit isang beses sa isang linggo lang at kahit isang oras lang bawat episode.

Imahe mula sa ABS-CBN

“Kahit sa weekend, kahit isang oras lang, pipilitin tayong ilagay,” wika ni Bro. Jun. “”Napakasakit po sa loob ng dalawampu’t isang taon, tayo’y magkakasama for two hours.”

Tiniyak naman ni ‘Dr. Love’ na hindi siya lilipat sa ibang radio station at sa halip ay mananatili na lang muna sa bahay at hihintayin na tawaging muli ng kumpanya para ibalik sa ere ang kaniyang programa.

Kamakailan lang ay napaulat na lilipat na rin sa ibang himpilan ng radyo sina Ted Failon at Vic de Leon Lima habang pumirma na ng panibagong kontrata sa DZRH sina Anthony Taberna at Gerry Baja ng dating ‘Dos por Dos’.

Loading…