Dubai OFW na 2 buwang na-intubate dahil sa COVID gumaling na; P10-M hospital bills sinagot ng employer

Screenshot mula sa YT video ng GMA News
  • OFW sa Dubai inabot ng apat na buwan sa ospital matapos dapuan ng COVID
  • Apat na beses din siyang ni-revive at 60 araw na naka-intubate
  • Sinagot ng ospital at insurance ang hospital bills niya na umabot sa P10-M

Ang kuwento ng pakikipagpalaban ng OFW na si Francis Feliciano sa COVID-19 ay maituturing na isang milagro at inspirasyon.

Si Francis, 46 anyos, ay nagtatrabaho bilang executive sa isang multinational food company  sa Dubai. Ang kaniyang maybahay ay nasa Canada habang naiwan naman sa Pilipinas ang kanilang nag-iisang anak na lalaki.

Screenshot mula sa YT video ng GMA News

April 13 nang unang makaramdam ng sintomas ng virus si Francis – lagnat na umabot ng 39 degrees. Nagtaxi lang siya upang dumiretso kaagad sa Canadian Specialist Hospital (CSH) sa Abu Hail.

Kaagad siyang ipinasok sa ICU ng ospital dahil sa paglala ng kaniyang kalagayan. Bukod sa lagnat, nahirapan na rin siyang huminga at matindi ang pag-ubo. Ang kaniyang oxygen level ay napakababa at halos 10 porsiyento na lamang ng kaniyang baga ang gumagana.

Sa loob ng 72 araw, nakipaglaban si Francis sa virus kabilang na rito ang 60 araw na naka-intubate. Apat na beses din siyang muntik-muntikan nang bumigay at sa kabutihang-palad ay apat na beses ding na-revive.

Na-stroke din ang OFW habang nakaratay na pinalala pa ng bed sores dahil sa mahigit dalawang buwang pagkakahiga sa hospital bed.

Screenshot mula sa YT video ng GMA News

“We almost gave up four times, but the patient persevered,” kuwento ni Dr. Hayder Matouk, consultant Intensivist at head ng ICU ng CSH na siya ring nagsagawa ng tracheostomy kay Francis para maipasok ang tubo sa kaniyang baga sa pamamagitan ng butas sa lalamunan.

Sa loob ng panahong iyon, hindi sumuko ang kaniyang asawa na si Shiela.

“Everytime na tumatawag ako sa doktor, ‘yun ang sinasabi na tulog daw si Francis kasi na-intubate na raw siya,” ani Shiela.

Noong Hunyo 28, nakalabas na rin sa ICU si Francis at tinanggal na rin sa pagka-intubate. At nitong Biyernes, Agosto 7, tuluyan nang nakalabas ng ospital si Francis para magpagaling makaraan ang halos apat na buwang pagkakaratay.

Screenshot mula sa YT video ng GMA News

“I thank God I survived this terrible ordeal and thank the hospital for not giving up on me and taking such good care,” bahagi Francis sa panayam ng Gulf News. “I feel better now. I am able to talk with my family on video chat and am hoping to recover completely and look forward to meeting my wife and son soon.”

Umabot sa 800,000 dirhams o halos P10-M ang billing ni Francis sa ospital sa loob ng apat na buwan. Malaki ang pasasalamat nilang pamilya dahil sinagot ito ng kaniyang employer at ng insurance.

Tunghayan ang kuwento ng kaniyang pakikipaglaban sa COVID-19 sa ‘Frontliners’ video ng GMA News:

Loading…