Duque alam ang lahat ng nangyayari sa Philhealth, ayon sa isang opisyal

Screenshot mula sa PCOO video
  • Alam umano  ni Health Secretary Francisco Duque ang lahat ng nangyayari sa loob ng Philhealth
  • Ito ay dahil umano dalawang dekada nang nakaupo sa ahensiya si Duque
  • Iginiit ni Adre na sila ang ‘good mafia’ sa loob na kumukuwestiyon sa mga iregularidad

Alam ni Health Secreatry Francisco Duque ang lahat ng nangyayari sa loob ng Philhealth; ito ay ayon kay Region XI vice president Dennis Adre.

Giit ni Adre, dalawang dekada nang nakaupo sa Philhealth si Duque, na kasalukuyang chairman of the board ng ahensiya, kaya alam nito ang mga kontrobersiya sa loob.

Imahe mula sa DOH

“The honorable secretary knows all that is happening in PhilHealth,” ani Adre sa ginanap na pagdinig sa Senado nitong Martes.

Katunayan umano marami na silang ibinigay na ‘position papers’ sa board na nagdedetalye ng anomalya sa ahensiya. Kabilang na dito ang kuwestiyonableng simplified reimbursement scheme noong 2010, na ayon kay Adre, ay hawig na hawig sa IRM ngayon.

Ang grupo niya umano ay naglabas din ng position paper laban sa pamamahagi ng 5 milyong Philhealth card na may pondong P6-B subalit napaulat na ginamit noon sa kampanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004.

Good mafia?

Si Adre ay kabilang sa ‘Mindanao group’ sa Philhealth na dati nang tinaguriang ‘mafia’ sa loob ng ahensiya noong naunang imbestigasyon taong 2019.

Subalit sa katunayan daw ay ang grupo niya ang patuloy na kumukuwestiyon sa mga iregularidad at maling patakaran na pinaiiral ng state insurer.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN

“If we are to be called mafia for questioning flawed policies and illegal orders, or for exposing irregularities, then so be it,” paglilinaw nito. “But we are the good mafia and they are the real and bad mafia. We represent the interest of contributors, the interest of government.”

Inaakusahan din ni Adre ng panggigipit ang ilang opisyal ng Philhealth na pilit pinagtatakpan ang mga anomalya at ipinatatapon sila sa ibang assignment bilang ganti.

Maliban kay Adre, nauna nang pinangalanan ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales sina Vice President for Region 10 Masiding Alonto Jr. at Vice President for ARMM (Bangsamoro) Khaliquzzaman Macabato bilang kasapi umano sa ‘mafia’.

Loading…