Duterte pinasaringan si Robredo: ‘Do not add fuel to the fire, you will just destroy gov’t’

Screenshot mula sa Facebokk video
  • Pinasaringan ni Duterte si Robredo hinggil sa naging pahayag ng huli tungkol sa kakulangan ng gobyerno
  • Huwag na umanong gatungan pa sana ni Robredo ang sentimyento ng publiko
  • Maaari lang daw masira ang gobyerno at mamamayan dahil dito

Binalikan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo dahil sa rekomendasyon ng huli tungkol sa kung paano dapat tumugon ang gobyerno sa umiiral na COVID-19 pandemic.

Ayon sa Pangulo, hindi na dapat pang gatungan ng Pangalawang Pangulo ang sentimyento ng publiko sa diumano’y kakulangan ng pamahalaan sa ginagawang paglaban nito sa coronavirus.

Pang. Duterte, Agosto 10| Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“Ito namang kay Leni and her ending statement, kung hindi ko raw gawin, ng gobyerno, gagawin ng tao. Please do not add fuel to the fire,” pasaring ni Duterte kay Robredo.

Ayon pa kay Duterte, hindi masosolusyunan ang kasalukuyang problema sa ganitong paraan kahit pa mawala na siya. Lalo lang daw masisira ang gobyerno at ang mamamayan kapag nangyari ito.

“You will just destroy government. ‘Wag ninyong sirain ang gobyerno kasi masisira ang tao. Pag nasisira ang gobyerno, lulutang tayong lahat. Maski na sabihin ninyo mamatay ako bukas, it cannot solve the problem of the country,” dagdag pa nito.

Screenshot mula sa Facebook video ni Vp Leni Robredo

Sa ginawang sariling pahayag ni Robredo sa publiko nitong Lunes, nagbigay ng rekomendasyon ang Bise Presidente para mapasiglang muli ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng krisis.

Subalit sa huling bahagi, pinasaringan nito ang pamahalaan sa kakulangan umano ng ‘leadership’ at kakulangan ng tiwala ng mga tao sa namumuno.

“At kung walang mamumuno, tayo mismo ang hahakbang, tayo mismo ang magtutulungan, tayo mismo ang bibitbit sa isa’t isa,” ayon kay Robredo.

Ginawa ni Robredo ang pahayag matapos lumabas sa mga ulat na isang grupo ang nagsusulong para sa isang ‘revolutionary government’ na nais rin umanong pamunuan ni Pangulong Duterte.

Loading…