Eagle versus EGLE drone: Eagle wins

Imahe mula sa Oceana/inset image mula sa Pocket Lint
  • Bumagsak ang isang drone nang makaengkwentro sa ere ang isang bald eagle sa Michigan
  • Sa nangyaring “duwelo” ay nawasak ang propeller ng drone at bumulusok sa Lake Michigan
  • Ang drone na hindi na natagpuan ay isang DJI Phantom 4 Pro Advanced na nagkakahalaga ng $950

Tila isang duwelo sa himpapawid ang naganap noong nakaraang buwan sa pagitan ng isang bald eagle at drone na pag-aari ng Michigan Department of Environment, Great Lakes and Energy (EGLE) sa United States.

Imahe mula sa Oceana/inset image mula sa Pocket Lint

Walang kalaban-laban ang teknolohiya sa higanteng ibon na karaniwang may habang 45 inches at may wingspan na mahigit dalawa at kalahating metro.

Sa nasabing “duwelo” ay nawasak ang propeller ng drone kaya bumulusok ito mula sa taas na 162 feet at diretsong bumagsak sa kailaliman ng Lake Michigan.

Ang eagle versus EGLE clash ay naganap habang ang environmental quality analyst at drone pilot na si Hunter King ay nagsasagawa ng mapping ng soil erosion sa kahabaan ng baybayin ng Lake Michigan sa Upper Peninsula.

Ang datos ay gagamitin upang tulungan ang komunidad na makaagapay sa tumataas na water level.

Sabi ni King, nang humina ang reception ng drone ay pinindot niya ang “Go Home” button para bumalik na iyon. Nang pabalik na ang drone ay nakita niyang sumirko-sirko iyon nang makasagupa ang agila.

“It was like a really bad rollercoaster ride,” aniya.

Imahe mula sa Drone Traveller

Ilang saglit pa ay wala na ang drone at makikita ang agila na hindi man lang umano nagalusan na tagumpay na pumailanlang palayo sa pinangyarihan.

Ilang oras ding hinanap ni King ang drone, subalit hindi niya iyon nakita. Ilang araw ang lumipas ay muling hinanap iyon sa lawa na may lalim na apat na talampakan, ngunit hindi rin natagpuan.

Ang nawalang drone ay isang DJI Phantom 4 Pro Advanced na nagkakahalaga ng $950.

Ayon sa Michigan Department of EGLE, posibleng away sa teritoryo ang naganap o kaya naman ay nagugutom lang ang bald eagle. Posible rin naman daw na hindi nagustuhan ng ibon na mali ang spelling ng pangalan niya. Lol

Imahe mula sa AZ Central

Loading…