‘Eddie Garcia Bill’ pasado na sa subcommittee level ng Kamara

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Pasado na sa subcommittee level ng Kamara ang “Eddie Garcia bill”
  • Isinusulong ito ng kaniyang stepson na si 1-Pacman Partylist Rep. Mike Romero
  • Layunin ng panukala na proteksiyunan ang kapakanan ng mga trabahador sa entertainment industry

Lusot na sa subcommittee level ng Mababang Kapulungan ang Actors’ Occupational Safety and Health Standard Bill o mas kilala sa tawag na “Eddie Garcia Bill” bilang pag-alala sa batikang aktor na sinawimpalad matapos maaksidente sa set ng ginagawang serye sa telebisyon.

Ang “Eddie Garcia bill”, na naglalayong proteksiyunan ang kapakanan ng mga trabahador sa entertainment industry ay naaprubahan sa House Subcommittee on Labor Standards intong Martes.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. Mike Romero

Ang nasabing panukala ay isinusulong ni 1-Pacman Partylist Rep. Mike Romero, na stepson ng namayapang aktor at isa rin sa may-akda nito.

“The Eddie Garcia bill assumes even greater importance and significance now given the workplace safety issues that have come with the COVID-19 pandemic,” ani Romero sa isang pahayag nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng House Bill No. 191, lahat ng trabahador sa industriya ng pelikula, telebisyon at teatro ay kailangang mayroong insurance coverage. Itinakda rin dito ang working hours na 8 hanggang 12 oras, kabilang na ang waiting time, depende sa age bracket.

Screenshot mula sa YT video “Ninong”

Dapat ay magtalaga rin ng mga medical personnel sa mga lugar na pinagtatrabahuan sa kabuuang oras ng itinalagang working hours. Sa oras na magkaroon ng aksidente o anumang katulad na insidente, obligasyon ng producer o kompanya na sagutin ang hospitalization bill ng naapektuhang trabahador.

“Workers and employers throughout the creative industries can gain much from implementing this measure when it is finally enacted into law. Safety first must be the rule not just in the construction and engineering fields, but in all career sectors, including the creative industries,” paliwanag ni Romero.

Si Eddie Garcia, isa sa itinuturing na haligi ng pelikulang Pilipino, ay namayapa noong Hunyo 2019 matapos madapa habang ginagawa ang shooting ng “Rosang Agimat”.

Loading…