Elevator operator sa FEU, isa na ngayong ganap na ‘Tamaraw’

Imahe mula sa Facebook | Jaylord Calumba
  • Isa na ngayong ‘Tamaraw’ ang elevator operator na si Jaylord Calumba
  • Malaki ang pasasalamat niya sa Far Eastern University dahil sa oportunidad na ibinigay sa kaniya
  • Ngunit pag-amin niya, hirap siyang makisabay sa online learning dahil cellphone lamang ang kaniyang ginagamit

Matapos ang walong taong pagtatrabaho bilang janitor at kalaunan ay elevator operator sa Far Eastern University (FEU) sa Maynila ay isa na ngayong ganap na ‘Tamaraw’ ang 29 anyos na si Jaylord Calumba.

Imahe mula sa Facebook | Jaylord Calumba

Masaya itong ibinalita ni Jaylord sa isang post na ibinahagi niya sa Facebook. “Officially enrolled. Thank you so much, FEU, for giving me this opportunity. Unti-unti nang natutupad pangarap ko,” pahayag ni Jaylord. “Elevator operator noon, estudyante na ngayon.”

Kuwento ni Jaylord sa Definitely Filipino, pumasok siya sa FEU taong 2012 upang matulungan ang kaniyang mga magulang sa Negros Oriental.

Nitong Pebrero lamang ay na-regular siya sa unibersidad at nang malaman niya ang educational benefit para sa mga empleyado ay hindi na siya nagdalawang-isip na sunggaban ito. Kumukuha siya ngayon ng kursong Marketing.

Pag-amin niya, hirap siyang makasabay sa online learning dahil wala naman siyang ibang gadget maliban sa kaniyang cellphone. “Kung face to face classes lang sana siguro makakaya ko. Hirap kasi talaga ako sa online. Pero pangako ko sa sarili ko, hangga’t makakaya, laban,” aniya.

Imahe mula sa Facebook | Jaylord Calumba

Dahil sa pandemya ay nagbawas muna ng empleyado ang unibersidad at kasama siya sa pansamantalang hindi muna pinapapasok kaya kinakailangan niya ring dumiskarte upang may maipantustos sa mga pangangailangan.

Gayunpaman, malaki  ang pasasalamat niya sa FEU sa tulong na kaniyang natanggap. “Walang hanggang pasasalamat sa inyo sa ibinigay ninyong opportunity sa akin para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko. Dahil sa inyo, nagkaroon ako ng pag-asa na matupad ang mga pangarap ko,” sabi ni Jaylord.

“Malayo pa ako sa katotohanan dahil malayo pa ang tatahakin kong landas. Kung ‘di ko man maabot ang nais kong marating, nagpapasalamat pa rin ako dahil nabigyan ako ng chance na makapag-aral sa isang sikat na university.”

Noong 2019 ay kabilang si Jaylord sa mga kinilalang personalidad mula sa FEU sa ginanap na Istorya ng Pag-asa exhibit. Nag-trend kasi ang kaniyang version ng ‘Despacito’ kung saan sinabi niyang nais niya sanang mag-aral doon ngunit hindi niya kaya ang tuition kaya masaya na rin siyang makapagtrabaho roon.

Tunay ngang walang imposible kung magtitiyaga ka lamang.

 

Loading…