Estudyante sa viral accounting video, bakit nga ba naiyak?

Imahe mula sa Facebook | Aira Kathleen Dillozon
  • Naaalala mo pa ba ang viral video ng estudyanteng umiiyak dahil hindi niya masagutan ang isang accounting problem?
  • Ilang taon matapos na mag-trend ay ikinuwento niya kung bakit ganoon siya ka-emosyonal
  • Aniya, nalaman niyang may sakit ang kaniyang inang OFW kaya nagpursigi siya sa kaniyang pag-aaral

Naka-relate ka rin ba sa video ng isang estudyante na umiiyak dahil hindi niya masagutan ang accounting problem?

Imahe mula sa Facebook | Aira Kathleen Dillozon

Tatlong taon matapos mag-trend ang kaniyang video sa social media ay ibinahagi ni Banessa Raya ang kuwento sa likod nito dahil patuloy pa rin daw siyang nakatatanggap ng mga mensahe tungkol dito.

Noong 2017, habang Grade 12 student si Banessa sa University of the East, ay nalaman niyang may Stage 2 breast cancer ang kaniyang inang nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW).

“‘Di ko alam kung anong gagawin ko. Parang kukunin na lang yata ako ng bigla ng lupa. Si Mama na lang kasi parent ko while my lolo at lola, ako na lang ang nag-aalaga since matatanda na sila,” ani Banessa. “This was the time na sinabi ko na kailangan kong mag-aral nang mas mabuti para sa Mama ko.”

Imahe mula sa Facebook | Aira Kathleen Dillozon

Dahil sa hindi magandang balitang natanggap mula sa ina ay ninais ni Banessa na makapagtapos kaagad lalo na at ibinahagi sa kaniya ng ina ang planong umuwi na sa bansa kapag naka-graduate na siya.

Pag-amin niya, dala ng pressure kaya nais niyang galingan sa kaniyang pag-aaral kaya dinibdib niya nang hindi niya masagutan ang isang item sa kanilang take home quiz.

Sa kabila ng mga pagsubok ay nakakuha naman ng mataas na marka sa asignaturang iyon si Banessa. “Kahit mahirap, kakayanin natin for our parents, ‘di ba?”

Sa kasamaang palad ay hindi natuloy ang pag-uwi ng kaniyang ina para sa kaniyang graduation dahil hindi pa tapos ang chemotherapy nito. Nakapagtapos siya sa senior high school with high honors.

Agosto 2019 nang pumanaw ang kaniyang ina. “Nakapagpahinga na ang Mama. Kahit mag-isa na lang ako, until her very last moment naiparamdam ko sa kaniya na kaya ko.”

“Sa mga kapwa ko estudyante, kaya n’yo ‘yan. Laban lang!”

Panoorin dito ang kaniyang video:

Loading…