Garbage truck na balak magtambak ng hospital waste sa pribadong lote sa Bulacan, nasabat

Screenshot mula sa News5 video
  • Truck na puno ng hospital wastes nasabat sa Bulacan
  • Dinampot ng mga tanod ang driver ng truck nang mabistong plano nitong itapon ang mga hospital wastes sa isang dumpsite sa lugar
  • Sinabi ng MENRO na hindi sila pumapayag na itapon doon ang mga hospital wastes

Hinarang ng mga security frontliners ng isang barangay sa Sta.Maria, Bulacan ang isang garbage truck na puno ng hospital waste dahil nabistong balak pala na itambak ang mga basura sa isang bakanteng lote sa lugar.

Screenshot mula sa News5 video

Hindi rin umano naka-segregate ang hazardous at non-hazardous medical waste sa loob ng garbage truck.

Dinampot ng mga tanod ang driver ng truck na nakilalang si Shielo Sonyo. Aniya, ang mga dala niyang mga basura ay galing sa isang ospital sa Sta. Maria.

Agad din naman siyang napakawalan matapos mangako na ididiretso na lang niya sa tamang dumpsite ang mga dalang basura.

Masama ang loob ng barangay captain ng lugar na si Kapitan Jesus Mateo ng Barangay Pulong Buhangin dahil sa pangyayari. Madalas daw dumaan sa kanilang barangay ang nasabing truck.

“Kaya kami nangangamba, eh, syempre po ngayon ay puro sakit na ang tao pagkatapos eh ganyan pa ang ginagawa sa aming bayan,” himutok ni Kap. Mateo.

Screenshot mula sa News5 video

Matagal nang nangangamba ang mga residente na nakatira malapit sa bakanteng lote na ginawang tapunan ng mga basura.

“Syempre po natatakot kami. Syempre po may mga anak kami na kailangan i-safe namin. Kaya nga po hindi kami nagbubukas ngmga bintana sa bahay namin.”

“Malangaw. Eh, ‘pag dumapo sa kakainin mo ‘yun e, di ‘yung bacteria makakain din namin.”

Paliwanag naman ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Sta. Maria, Bulacan, hindi hospital wastes ang itinatapon sa nabanggit na bakanteng lote. Nilinaw rin nito na ang mga langaw ay hindi nagmumula sa tapunan ng mga basura kundi sa kalapit na malaking poultry farm.

Tiniyak ni Dr. Rommel Enriquez, head ng MENRO ng Sta. Maria, na hindi nila pinapayagang itapon ang mga hospital wastes sa nasabing dumpsite.

Screenshot mula sa News5 video
Source :

YouTube, Facebook

Loading…