
- Maraming mga salitang kaugnay ng COVID-19 ang madalas ngayong naririnig ng mga tao
- Naglabas ng diksyonaryo ng mga salitang kaugnay ng COVID-19 sa Tagalog at Cebuano ang Google
- Ang dictionary ay tinawag na “Isang Gabay sa mga Salitang Kaugnay ng COVID-19”
Dahil may umiiral na pandemya, maraming mga bagong salita ang halos araw-araw na naririnig ng mga tao ngayon na kung kanilang nauunawaan ay tiyak na maidaragdag sa kanilang bokabularyo.

Subalit marami sa mga salitang ito ay mga medical terms na kung mali ang pagkakaintindi ay posibleng may kahantungang hindi kanais-nais.
Sa layuning magabayan ang mga tao sa mga salitang kaugnay ng COVID-19, naglunsad ang Google ng isang dictionary sa Tagalog at Cebuano na nauukol dito.
Ang proyekto ay naisakatuparan sa tulong ni Assistant Professor Eilene Antoinette G. Narvaez mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura-UP Diliman at kasapi ng Filipinas Institute of Translation; at ni Hanna Marie R. Aranas, isang guro ng literature na nagtapos ng Degring Master ng Literatura sa Unibesidad ng San Carlos.
Ang dictionary ay tinawag na “Isang Gabay sa mga Salitang Kaugnay ng COVID-19.” Dito ay isinalin sa Tagalog at Cebuano ang mga COVID-related terms, ibinigay ang kanilang kahulugan at may halimbawa kung paano gamitin sa pangungusap.

Narito ang ilan sa mga salitang kaugnay ng pandemya na madalas ngayong naririnig;
Protocol – protokol; (Tagalog) alituntunin na kailangang sundin sa isang proseso o lugar; (Cebuano) mando nga kinahanglan sundon sa usa ka proseso o lugar
Gamit sa pangungusap:
(Tagalog) May ipinapatupad na mga protokol ang bawat ospital sa pagtugon sa mga kaso ng COVID-19.
(Cebuano) Adunay gipatumang mga protokol ang matag ospital sa pag-atiman sa mga kaso sa COVID-19.

Authorized Person Outside Residence (APOR) (Tagalog) Taong may pahintulot na lumabas (Cebuano) Tawo nga Gitugotang Mogawas sa Panimalay
Gamit sa pangungusap:
(Tagalog) Kailangang makapagpakita ng quarantine pass o iba pang dokumento upang mapatunayan na ang isang tao ay APOR.
(Cebuano) Kinahanglang magpakitag quarantine pass o uban pang dokumento aron mapamatud-an nga APOR ang usa ka tawo.

Cluster transmission – (Tagalog) paghahawahan sa isang maliit na lugar ; (Cebuano) pagtinakdanay sulod sa gamay ng lugar
Gamit sa pangungusap:
(Tagalog) Maaaring mangyari ang cluster transmission sa loob ng isang compound o bahay kung saan nakatira ang maraming pamilya.
(Cebuano) Mahimong mahitabo ang cluster transmission sulod sa usa ka compound o balay diin asa nagpuyo ang daghang pamilya.