Gurong dumalo ng meeting para sa paghahanda ng modules nagka-COVID-19, mga kapamilya nahawa

Imahe mula sa Teachers' Click
  • Isang pamilya ng mga guro sa Baguio City ang nagkaroon ng COVID-19
  • Kusang-loob na inilantad ng isang public school teacher ang pagkakakilanlan upang maging mas mabilis ang contact tracing
  • Hinala niya, posibleng ang ate niyang isa ring guro ang nagdala sa pamilya ng mikrobyo
  • Dumalo umano ang ate niya sa isang meeting kasama ang iba pang mga guro para sa paghahanda ng modules na gagamitin sa darating na pasukan

Isang guro sa pampublikong paaralan sa Baguio City na nahawahan ng COVID-19 ang nagkusang-loob na ilantad ang pagkakakilanlan upang mapabilis ang contact tracing at maibahagi na rin sa iba ang naging karanasan.

Imahe mula sa Teachers’ Click

Inilahad ni Norberto D. Rodillas na halos ang buong pamilya nila ay nahawahan ng COVID-19. Tanging ang dalawang maliliit na pamangkin lang ang hindi kinapitan ng sakit.

Magkahalong lungkot at takot ang nadama ni Ginoong Rodillas nang malamang positibo siya sa coronavirus. Noong una raw ay hindi niya alam ang gagawin dahil ang ate niya at mga magulang ay naka-confine na sa ospital dahil sa COVID-19.

“Ako ay nalungkot, natakot at halos umiyak. Sa kadahilanang ang aking mga magulang at kapatid ay nasa hospital na dahil sa parehong sakit,” aniya.

Dalawang beses daw siya nagpa-swab test at ang una ay negatibo ang resulta, pero tiyak daw niyang may COVID-19 siya dahil sa mga sintomas na nararamdaman. Hindi siya nagkamali ng sapantaha dahil ang ikalawang swab test niya ay positibo ang resulta.

Imahe mula sa PRC

“Alam ko nang positive ako dahil may mga sintomas na ako ng sakit. Siguro nahawaan ako sa mga magulang ko, kapatid at ng aming tita,” lahad niya.

Posible umanong unang nagkaroon ang ate niya na isa ring guro sa public school na dumalo ng meeting kasama ang iba pang mga guro para sa paghahanda ng learning module para sa blended learning sa darating na pasukan.

Screenshot ng post ni Ginoong Norberto Rodillas

Ayon sa Baguio Health Department, ang pamilya lang ni Rodillas ang mga active COVID-19 cases sa lugar nila na isinailalim na sa hard lockdown upang hindi na kumalat pa ang mikrobyo.

Nagpapasalamat si Rodillas na hindi sila dumanas ng diskriminasyon mula sa mga tao. Kasabay nito ay humingi siya ng paumanhin sa mga co-teachers, kaibigan at mga kapitbahay na nagkaroon ng close contact sa pamilya nila.

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…