Hair product na gawang Binondo subalit may address na ‘Manila, Province of China’, nais ipa-ban ng kongresista

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Kumakalat sa social media ang larawan ng hair product na gawang Binondo at may address na “Manila, Province of China”
  • Nais itong ipa-ban ng isang kongresista dahil malaking insulto umano ito
  • Sumulat na rin sa DTI ang kongresista para gawan ng aksiyon ang nabanggit na Chinese product

Gustong ipa-black list ng isang kongresista ang beauty product na bagama’t gawang Binondo ay mayroon namang nakalagay na ‘Manila, Province of China’ sa address nito sa packaging.

Kumakalat sa social media ngayon ang larawan ng Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair na isang Chinese hair product. Gawa ito ng Elegant Fumes Beauty Products, Inc. na nakabase sa Binondo, Chinatown.

Rep. Jericho Nograles| Imahe mula sa ABS-CBN News

Subalit makikita sa address na nakalagay ay “1st Floor, 707 Sto. Cristo St., San Nicolas, Manila Province P.R. China”.

Dahil dito nais ni PBA Party-list Rep. Jericho Nograles na ipa-ban ang nasabing produkto dahil hindi lang umano ito isang simpleng pagkakamali kung hindi isang malaking insulto sa bansa na sinadya.

“It is hard to dismiss this insult as a simple error,” ani Nograles.

Sumulat din kaagad ang mambabatas sa Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez para aksiyunan ang nasabing produkto.

“Any act to undermine our sovereignty must be taken seriously,” ani Nograles sa kaniyang sulat.

“It is in this light that we respectfully ask your office to immediately ask your Office to immediately investigate this detestable and repulsive offense against our nation, and, if legally justified, prohibit the cointinued distribution of these products in our country.”

Imahe mula sa ABS-CBN News

Ayon kay Nograles, taong 2018 pa umano nagsimulang i-manufacture ang nabanggit na hair product at patuloy pa rin itong mabibili sa mga tindahan. Bagama’t tinanggal na raw ang kuwetiyunableng label sa mga bagong batch, dapat pa ring parusahan ang gumawa nito.

Magugunitang sumikat ang ‘Philippines, Province of China’ matapos itong gawing biro ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap mismo ni Chinese President Xi Jinping noong 2018.

Samantala, bibigyan pa rin ng pagkakataon ni Nograles ang manufacturer ng produkto upang makapagpaliwanag.

Loading…