Halos 3-milyong pangalan tinanggal sa listahan ng DSWD SAP beneficiary

Imahe mula sa Facebok - DSWD NCR
  • Tinanggal ng DSWD ang halos 3 milyong pangalan mula sa listahan ng SAP beneficiary
  • Kabilang dito ang mga nadobleng pangalan at mga hindi kwalipikado
  • Aabot na sa P62.B cash aid ang naipamahagi ng ahensiya sa humigit-kumulang 9.6 benepisyaryo

Tinanggal ang halos 3-milyong pangalan mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng special assistance program (SAP) ng gobyerno; ito ang kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Undersecretary Glen Paje, hindi na kasama sa listahan ng makatatangap ng SAP 2 ang mga pangalan na nadoble sa listahan at yaong mga hindi kwalipikado kaya aabot na lamang sa 14.1-milyon ang makatatanggap ng nasabing ayuda.

Usec Glen Paje| Imahe mula sa PNA

“Mula sa 17 million na target, ibabawas ang bilang ng duplicates, ang mga hindi kwalipikado, at mga nagboluntaryong nagbalik o nagsauli ng ayudang natanggap,” ani Paje,

Base sa huling datos ng ahensiya hanggang nitong Hulyo 26, aabot na sa 675,933 ang bilang ng mga nadoble ang pangalan sa listahan; 239,859 ang hindi qualified, habang 58,725 naman ang bilang ng pamilyang nagsauli ng SAP.

“Mahalaga rin na maipabatid na 3.2 million (na mga pamilya) lang ang naisumite ng local government units (LGUs) na mga pangalan mula sa 5 million na paunang target ng programa,” dagdag pa ng opisyal.

Imahe mula sa Facebook ng DSWD NCR

Ibinahagi rin ni Paje na aabot na sa 70 porsiyento ng SAP ang kanilang naipamahagi.

Nilinaw din ng opisyal na ba bagama’t hindi umabot ng 80 porsiyento ang kanilang target hanggang nitong katapusan ng Hulyo, patuloy pa rin umano silang nagsisikap upang matapos ang lahat ng payouts sa kalagitnaan ng buwan ng Agosto.

Umaabot na sa P62.5-B ang naipamahagi ng ahensiya para sa mga mahihirap na beneficiary ng SAP na siyang matinding tinamaan ng umiiral na pandemiya. Humigit-kumulang sa  9.6 million beneficiaries na rin umano ang nakatanggap ng cash aid mula sa gobyerno.

Loading…