‘Happy Anonymous’ donor pinakyaw ang tig-P10 keychains na gawa ng special child, binayaran ng P1k bawat isa

Imahe mula sa Facebook account ni Salva Cris
  • Pinakyaw ng isang taong hindi nagpakilala ang keychains na gawa ng isang special child
  • Ang tig-P10 bawat isang keychain ay binayaran ng P1,000 each at may dala pang clay at mga food items para sa bata ang anonymous donor
  • Tinawag ng taong may mabuting kalooban ang sarili bilang si “Happy Anonymous”

Dati nang naitampok sa Definitely Filipino ang istorya ng sampung-taong gulang na batang si Justin Chris Salva. Isa siyang special child – may autism, pero high-functional. Mahusay siya sa art at nakahiligan niya ang paggawa ng mga miniature sculptures gamit ang clay.

Imahe mula sa Facebook account ni Salva Cris

Basahin: “Special Artist: Batang may autism, hinangaan sa paggawa ng mini sculptures gamit ang clay”

Kinakailangan ng bata na sumailalim sa occupational therapy three times a week upang matulungan siyang magkaroon ng kakayahan na kailangan niya sa araw-araw na pamumuhay, ngunit may kamahalaan ang kada session nito.

Nakakita naman sila ng nagbibigay ng libreng therapy session, subalit dahil sa pandemya ay hindi sila maaaring lumabas. Anang inang si Criselda, siya na lang ang nagte-therapy sa anak. Tinuruan naman daw siya ng occupational therapist kung ano ang dapat gawin.

Tulad ng ibang mga magulang na may special child, naranasan din ni Criselda ang paghihirap ng kalooban dahil sa kondisyon ng anak, kabilang na ang mga panunukso. Hindi rin umano tinatanggap sa regular school si Justin Chris. Dapat daw ay sa SPED (special education) siya, subalit sa SPED schools ay ayaw rin siyang tanggapin dahil marunong naman daw ang bata.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

At tulad din ng ibang mga magulang, ang bawat progresong nakakamit ng anak ay ipinagpapasalamat ni Criselda. Kaya naman tuloy lang ang suporta niya sa hilig ng anak sa paggawa ng clay sculptures. Sa katunayan ay ginawa pa nila itong keychain na ibinebenta ng sampung piso isa.

Isang taong may mabuting kalooban ang tumulong sa mag-ina. Pinakyaw niya ang sampung keychains at binayaran ng P10,000 o isanlibo bawat isa, na ikinabigla ni Criselda.

May dala ring mga clay at materyales para sa paggawa ng keychains ang hindi nagpakilalang Good Samaritan para kay Justin Chris na labis nitong ikinatuwa.

“Clay! Ako ang bayani sa clay. Salamat. Ako ang bayani ng clay. Yahahaaa,” ang masayang sambit ng nagtatatalon sa tuwang si Justin Chris.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Hindi pa roon natapos ang kabutihan ni ng donor . May padala rin itong maraming food items para sa mag-iina.

Nagpakilala lang ang Good Samaritan bilang si “Happy Anonymous.” Masaya umano siya na makitang masaya ang mga natutulungan.

Panooring ang video:

Loading…